Binatikos ni human rights lawyer Atty. Kristina Conti si Davao City Rep. Paolo Duterte dahil sa umano’y “pundamental na hindi pagkakaunawa” sa tungkulin ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga pag-atake ng US at Israel laban sa Iran at Palestine.
Ayon kay Conti, ang ICC ay isang korte na nakabatay sa Rome Statute at hindi institusyong pangkapayapaan.
“Kung may institusyon na dapat na tumayo habang nagkakabombahan, mas United Nations dapat at hindi ICC,” aniya.
Ipinaliwanag niyang sa West Asia/Middle East, tanging Jordan, Palestine, at Tunisia ang ganap na kasapi ng ICC.
Samantala, pumirma ngunit hindi pa ratipikado ng Iran, Kuwait, at United Arab Emirates ang Rome Statute, habang ang US at Israel ay parehong hindi miyembro.
Tinuligsa rin ni Conti ang mga pahayag na may halong “conspiracy theory,” at iginiit na ang pananagutan ay nakabatay sa internasyonal na batas, hindi sa pansariling pananaw.
“Minsan, masaya rin talaga mag-conspiracy theory. Pero the world does not revolve around you,” giit ni Conti patungkol sa paghahambing ni Pulong sa umano’y pananahimik ng ICC sa pag-atake ng US-Israel sa Palestine at Iran kompara sa pagkulong sa kanyang ama sa kasong crimes against humanity.
Dagdag pa niya, ang pagkakakulong ni dating pangulong Rodrigo Duterte ay dahil sa utos ng malawakang patayan mula sa kanyang panahon bilang alkalde ng Davao hanggang sa pagiging presidente.
“Kaya nakakulong si Duterte ay dahil nag-utos siya ng malawakang patayan,” ani Conti, at binigyang-diin na nagkaroon ng hurisdiksiyon ang ICC dahil miyembro ang Pilipinas mula 2011 hanggang 2019. (RRN)