Wed. Jul 15th, 2026

Iginiit ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na dapat ipatawag ng Senado bilang impeachment court ang bank at tax records ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte, batay sa naging desisyon noong 2012 impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.

Sa oral arguments, ipinaalala ni Diokno sa mga senador-hukom na noon ay tinanggap ng impeachment court ang tax documents ni Corona at inatasan ang Philippine Savings Bank na ilabas ang kanyang mga account records, kabilang ang mga deposito bago pa siya maitalaga bilang Punong Mahistrado.

““This is not the first time this Court has been confronted with this issue,” ani Diokno, binanggit ang pagtutol noon ni Sen. Alan Peter Cayetano na mahalagang makita ang mga unang deposito upang matukoy kung may impeachable offense.

Ayon kay Diokno, dapat ding ipatupad ang parehong prinsipyo sa kaso ni Duterte, na ang Bureau of Internal Revenue (BIR) files, Anti-Money Laundering Council (AMLC) reports, at bank records ay hinihingi ng prosekusyon.

“The panel of prosecutors respectfully submits that the subpoenas… are proper and should be issued by this Honorable Court,” he said, stressing the need to examine “the truth, the whole truth, and nothing but the truth.”

Nanatiling nakaselyo ang kahon ng BIR records ni Duterte matapos itong ipasa ng House justice committee sa Senado nang hindi binubuksan.

Mariin namang tinutulan ng mga abogado ni Duterte ang pagbubukas nito, kahit para lamang sa pagmarka ng ebidensya.

Gayunman, naniniwala ang prosekusyon na matibay pa rin ang kanilang kaso, matapos kumpirmahin ng AMLC ang mga kahina-hinalang transaksyon na kinasasangkutan ni Duterte at ng kanyang asawa, si Atty. Manases Carpio.

Ang mga dokumento ay nakatakdang suportahan ang Article II ng impeachment complaint, na nagsasabing nilabag ni Duterte ang Konstitusyon at ipinagkanulo ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman na lampas sa kanyang legal na kita. # (RRN)

 

By admin