TULUYAN nang tinuldukan ng Partido Federal ng Pilipinas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang alyansa sa Hugpong ng Pagbabago ni Vice President Sara Duterte para sa 2025 midterm elections.
”We have organized a steering committee, we will then go and make our alliances with the different parties. Of course, nandiyan ang Lakas, NPC, NP, NUP, lalong-lalo na sa House,” sabi ni Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa oathtaking ng 33 bagong miyembro ng PFP sa Diamond Hotel.
“Pero siyempre kailangan din natin kausapin siyempre mga governor, may sariling… may local party ‘yan,” dagdag niya.
Matatandaan sa unang taon pa lang ng administrasyong Marcos Jr. ay “nawasak” na ang ipinagmamalaki nilang UniTeam noong 2022 elections matapos magbitiw si VP Sara mula sa Lakas-CMD ni House Speaker Martin Romualdez nang tanggalin si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang Senior Deputy Speaker noong Abril 2023.
Napaulat na binalak ng kampo nina VP Sara at Arroyo na patalsikin si Romualdez at iluklok ang dating pangulo kapalit niya sa layunin umanong ma-impeach si Marcos Jr. para maging Pangulo ang Bise-Presidente.
Ang diskarte umano nina VP Sara at Arroyo ay kasunod ng muling pagbubukas ng International Criminal Court (ICC) sa imbestigasyon sa madugong drug war na ipinatupad ng dating administrasyong Duterte na pumatay sa libu-libong katao.
Habang sa deliberasyon ng 2024 budget noong Setyembre 2023 ay nabulgar sa Mababang Kapulungan ang paggasta ni VP Sara sa P125-M confidential funds sa loob ng 11 araw noong 2022 at humantong sa tuluyang pagkawala ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President ngayong taon.
Sa galit ng ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, tinawag niyang drug addict si Marcos Jr at nanawagan sa pagbaba nito sa Malakanyang. (ROSE NOVENARIO)