KINOMPIRMA ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na dadalo si ‘Diamond Star” Maricel Soriano sa ikalawang pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs hinggil sa “PDEA Leaks” o ang mga dokumentong kumalat sa social media na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa illegal drugs sa Martes, Mayo 7.
“Nag-reply na siya sa aming invitation at nag-confirm siya na she will attend in the next hearing,” ayon kay Dela Rosa sa panayam sa SMNI News kahapon.
Batay sa kumalat sa social media na umano’y Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) pre-operation report at authority to operate on a drug target na may mga petsang 11 Marso 2012, kabilang umano sa subject nito ay sina Maricel Soriano, Bongbong Marcos at iba pa.
Sa ginanap na unang pagdinig ng Senado kamakalawa, sinabi ng PDEA na peke ang naturang dokumento na pirmado ng pinatalsik na operatiba nilang si Jonathan Morales.
Inihayag Morales sa committee hearing na hinarang umano ni noo’y Executive Secretary Paquito Ochoa ang balak na PDEA operation.
“Totoo yung papel. The reason why hindi na-approve ang papel, ang pre-ops na ‘yan ay malalaman natin ngayon kung iimbitahan natin si former Executive Secretary Paquito Ochoa, kung ano ang rason kung totoo man na siya ang humadlang sa pag-conduct ng operation,” ani Bato sa SMNI interview.
“Kung ako ang tatanungin, I stand by the authenticity ng papel na ‘yan, 100 % convinced ako na totoo ‘yang papel na yan,” dagdag niya.
“Number one, yung gumawa ng papel mismo, si Jonathan Morales ay kinomfirm niya na siya mismo ang gumawa, pirma niya yan. Pangalawa, yung nakasaad diyan na mga identified na sasakyan na gagamitin sa casing at surveillance operations ay inamin ng PDEA na ito’y mga organic na vehicles nila at yung isa pa nga ay personal na sasakyan ng team leader nila , yung team leader ni Morales. Sasakyan nila ‘yan kaya kompirmado,” giit ng senador.
“At yung pangatlo na mahirap talaga i-debunk, may butas ng tama ng puncher na pinasok ito sa folder na may fastener. Lumang pamamaraan pa ng gumagawa ng file ng mga dokumento, ang butasan ng puncher ay nandoon sa marking sa pag-photocopy ng papel. “
Bubusisiin umano ni Dela Rosa sa Martes kung sino ang may hawak ng papel at bakit nawala umano ito sa file ng PDEA.
“So maybe, that’s an old document, klaro ito na totoo ito. Kuwestiyon na lang ay kung sino ang may hawak ng papel na yan and that would be determined in the next hearing. Dinenay ng PDEA na wala sa physical file nila, hindi mo talaga makita kung ito’y dinukot, kung ito’y ninakaw. At pinakalat sa social media, wala talaga yan doon.” (ROSE NOVENARIO)