IIMBESTIGAHAN ng Kamara de Representantes ang dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig kaugnay sa nakompiskang P3 bilyong halaga ng shabu sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga noong 2023.
Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert ‘Ace” Barbers, si Michael Yang, kilalang malapit kay Duterte, ay iimbitahan ng House committee on dangerous drugs hearing matapos lumutang ang kanyang pangalan sa pagdinig dahil sa alegasyon na isa siyang drug trafficker.
Kaugnay nito, sinabi ni dating Sen. Antonio Trillanes na si Yang ay “drug lord partner” umano ni Duterte mula ng alkalde pa ito sa Davao City at nagpasok umano ng bilyones na halaga ng shabu sa Pilipinas mula 2016 hanggang 2023.
Giit ng dating senador, si Yang rin umano ang nagnakaw ng bilyun-bilyong pondo ng gobyerno sa pamamagitan ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Kahit aniya purong Chinese si Yang ay itinalaga ni Duterte bilang economic adviser para ipahiwatig sa mga awtoridad na protektakdp niya ito.
Nabisto ng komite ni Barbers noong Mayo 8 na si Lincoln Ong, interpreter ni Yang sa Pharmally controversy, ay isang incorporator ng kompanya na konektado umano sa Empire 999.
Pagmamay-ari ng Empire 999 ang bodega sa Pampanga na pinag-imbakan nang nakompiskang P3-B halaga ng shabu. (ZIA LUNA)