Si dating Presidential Spokesman Harry Roque kasama si Bamban Mayor Alice Guo 📷Antonio Montalvan Facebook page
MAAARING isang “security risk” si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Palagay ko. Palagay ko. Hindi natin malaman kaya kailangan talaga nating pag-aralan nang mabuti. Pero may possibility na ganyan,” tugon ni Marcos sa tanong ng media kung nakikita niya bilang security risk si Guo sa isang ambush interview sa Cahayan de Oro City.
Matagal na aniyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang operasyon ng POGO sa Bamban na konektado kay Guo.
Kinukuwestiyon din aniya kung paano naging mayoralty bet si Guo gayong walang nakakakilalang politiko sa kanya sa Tarlac.
“Well, matagal na naming inimbestigahan ‘yan, kaya naman nahuli ‘yan. Dahil ni-raid natin ‘yung sa Bamban at nakita natin, ‘yan, ‘yung nakita ‘yung dokumento, na kinukwestyon ngayon natin ‘yan kung talagang totoo ‘tong mga to, at saka pano siya tumakbo ng mayor?” sabi ni Marcos Jr.
“Dahil maraming — kilala ko lahat ng mga tiga-Tarlac na politiko, walang may kilala sa kanya. Kaya nagtataka kami kung saan nanggaling ito? Bakit ganito ito? Hindi namin malaman,” dagdag niya.
Maging ang Bureau of Immigration ay bubusisiin aniya ang mga dokumento ni Guo at pati ang kanyang citizenship.
“Kaya kailangan talagang imbestigahan. So, kasabay ng sa Bureau of Immigration, pati… Siguro may magkukwestyon na ng kanyang citizenship. ‘Yun lahat iimbestigahan natin ‘yun kasama ang imbestigasyon, mga hearing na ginagawa ng Senado,” wika ni Marcos Jr.
Kombinsido ang Pangulo na gumamit ng pera si Guo para suhulan ang ilang mga taga-gobyerno kaya nakalusot sa bansa kasabay ng pagtiyak na hihigpitan ang pagbabantay sa mga papasok na dayuhan sa Pilipinas.
“Hihigpitan lang natin ‘yung enforcement, nandiyan naman ang batas. Hindi tayo nakabantay nang mabuti, ‘yun ang naging problema. At siguro, pinababayaan din ng mga iba. Kasi maraming pera ‘yan, nagbabayad sila , nasusuhulan nila,” aniya.
“Kaya’t ‘yun ang babantayan natin na hindi na mangyari uli ‘yan. Mabawasan ‘yung mga incidence ng pagpasok ng kung sino man. Hindi — not necessarily isang bansa lamang ng kung sino mang foreign national at [nagpapanggap] nga na Pilipino ay talagang tingnan natin nang mabuti.” (ROSE NOVENARIO)