DSWD Secretary Rex Gatchalian
BINUTATA ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian ang pahayag ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na “haka-haka” lang ang kahirapan sa Pilipinas.
“Totoo po ang kahirapan, patuloy po nating nilalabanan ang kahirapan,” tugon ni Gatchalian sa patama ni Gadon sa mga kritiko ng administrasyong Marcos Jr. hinggil sa patuloy na paghihirap ng masang Pilipino.
Ikinatuwiran ni Gadon na puno ng tao ang malls at fast food chains at masikip ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sanhi ng maraming sasakyan, at patunay ito na may perang panggastos ang mga Pinoy.
Tiniyak ni Gatchalian na ipagpapatuloy ang momentum ng pagtugo sa kahirapan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga programa.
Sa unang araw niya bilang DSWD secretary, inatasan siya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ibaba ang antas ng kahirapan sa bansa sa “single digit” hanggang matapos ang kanyang termino sa 2028.
Sa datos ng pamahalaan, umabot sa 22.4 porsiyento ang antas ng kahirapan sa bansa noong 2023. (ANGEL F. JOSE)