📷Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo
SINUSPINDE ng Office of the Ombudsman si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at dalawang iba pang opisyal makaraang maghain ng reklamo ang Department of the Interior and Local Government’s (DILG) sa umano’y pagkakasangkot nila sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kanilang bayan.
Sa kautusan na may petsang Mayo 31 na inilabas ngayon, Hunyo 3, pinagbigyan ni Ombudsman Samuel Martires ang kahilingan ng DILG na patawan ng preventive suspension si Guo, gayundin kina Bamban Municipal Legal Officer Adenn Sigua at Business and Licensing Officer Edwin Ocampo.
Ipatutupad ang preventive suspension without pay na parusa kina Guo, Sigua at Ocampo habang hindi pa tapos ang imbestigasyon sa usapin, ngunit hindi ito hihigit sa anim na buwan.
Batay sa hirit ng DILG, sina Guo, Sigua at Ocampo ay binigyan ng permit ang Hongsheng Gaming Technology Inc. kahit hindi sumunod sa mga patakaran.
Matatandaan unang nadawit si Guo sa Zun Yuan Technology Incorporated, isang POGO company na sinalakay ng mga awtoridad noong Marso 2023 bunsod ng mga alegasyon ng illegal detention at human trafficking.
Batay sa reklamo, ang lisensya ng POGO mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ay expired.
“Moreover, despite the raid of Zun Yuan and its predecessor Hongsheng, the cancellation of Honsheng’s license to operate; and the cease and desist order to operate issued by PAGCOR against Zun Yuan, Guo did not cancel or revoke their business permits because of her business interest in Baofu,” anang Ombudsman sa resolution nito.
Binubusisi rin ng Senado ang nationality ni Guo nang mabisto na siya ay incorporator ng Baofu Land Development Inc., na may-ari ng complex kung saan nakompiska ang luxury cars na nakarehistro sa pangalan ng alkalde.
Natuklasan na ang electricity bills ay nasa pangalan ni Guo. (TCSP/ ANGEL F. JOSE)