SINIBAK ang 49 pulis ng Bamban Municipal Police Station sa lalawigan ng Tarlac dahil sa isyu ng Philippine offshore gaming operations (POGO) compound na natagpuan sa loob ng munisipalidad noong Marso.
Inihayag ni PBGEN Jose Hidalgo Jr, hepe ng Region 3, epektibo June 3, 2024 ang pagtanggal sa pwesto ng mga pulis sa Bamban kasabay ng turnover ceremony sa nasabing istasyon kaninang umaga.
Pansamantalang ipinalit sa kanila ang mga tauhan mula sa 1st PMFC, 2nd PMFC, Tarlac City PS, Concepcion MPS, at Capas MPS.
Sinabi ni PCol Jean Fajardo, PNP spokesperson, ang pagsibak sa buong puwersa ng Bamban Municipal Police Station ay para magbigay daan sa imbestigasyon kung paano nagpapatuloy ang POGO sa Bamban.
“Kung matatandaan niyo po, nagkaroon ng panawagan na imbestigahan din po kung nagkaroon po ba ng kapabayaan ang ating mga pulis diyan sa Bamban considering na matagal na pong nag-o-operate itong mga POGO at may mga reports na may mga illegal activities,” aniya.
Nauna nang isinailalim ni Ombudsman Samuel Martires sa preventive suspension si Bamban Mayor Alice Guo, Bamban business licensing officer Edwin Ocampo at Bamban Municipal Legal Officer Adenn Sigua dahil sa paglabas ng lisensiya sa Hongsheng Gaming Technology Inc., na siyang nag-o-operate ng POGO, kahit expired na ang lisensiya nito sa PAGCOR.
Pansamantalang itinalaga ang mga tinanggal na pulis sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit ng Police Regional Office 3 para sumailalim sa FORM POLICE, sa Schools for Values Formation ng PNP Training Service sa Subic.
Ang Focused Reformation/Reorientation and Moral Enhancement o FORM POLICE ay 30-araw na programa para values formation and re-orientation ng mga pulis.
Bahagi ito ng PNP internal cleansing sa pamamagitan ng patuloy na re-training program para iwastomga maling gawain ng mga pulis. (ZIA LUNA)