WALA na bang katapusan ang pandarahas ng China sa Pilipinas para maisakatuparan ang mithiin na kamkamin ang West Philippine Sea?
Inakusahan ang China Coast Guard (CCG) nang pagsamsam at pagtatapon ng mga pagkain sa dagat at iba pang supply para sa mga tropang Pilipino na nakatalaga sa isang malayong outpost sa Ayungin (Second Thomas) Shoal, at umano’y hinadlangan pa ang medikal na paglikas ng mga maysakit na sundalo.
Batay sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, ang parehong mga insidente ay naganap noong Mayo 19, nang ang Philippine Navy ay nagsagawa ng airdrop operation upang dalhin ang mga item sa BRP Sierra Madre, isang giray-giray na barkong pandigma na isinadsad noong 1999 upang protektahan ang pag-angkin ng Pilipinas sa shoal, ayon sa isang opisyal ng militar, na humiling na huwag pinangalanan dahil walang awtoridad na magsalita sa media.
Sa ikatlong insidente, noong Mayo 24, gumamit ang CCG ng mga water cannon para itaboy ang isang Filipino fishing boat malapit sa shoal, anang opisyal.
Ginawa ng source ng PDI ang mga rebelasyon ilang oras matapos i-claim ng Chinese state media na ang mga tauhan ng Sierra Madre ay “tinutukan ng baril” ang CCG sa parehong araw, Mayo 19.
Sinabi ng China Central Television sa isang paskil sa social media na hindi bababa sa dalawang lalaki ang nakitang may dalang baril sa deck, na itinuro ang mga ito sa direksyon ng CCG.
Sa kalakip na 29-segundo na video, ipinakita ng isang nakamaskarang lalaki na panandaliang hawak ang isang malabong itim na bagay na parang rifle.
Wala pang tugon ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard at National Security Council, gayundin ang embahada ng bansa sa Beijing, sa naturang ulat.
Ayon sa source ng PDI, ang CCG ay nag-deploy ng apat na rubber boat noong Mayo 19 paradrop operation ng isang Philippine Navy aircraft sa BRP Sierra Madre.
Kinuha ng mga Chinese ang ilan sa mga probisyon, karamihan ay pagkain, at ikinalat ang mga ito sa tubig, tinitiyak na hindi sila mauubos. Ngunit ang ilan sa kanila ay kumuha ng mga supply para sa kanilang sarili, sabi ng source.
Sa parehong araw, hinarass din ng dalawang barko ng CCG at apat na rubber boat ang isang medical evacuation operation na naglalayong magbigay ng tulong medikal sa mga sundalong nagkasakit, sabi ng source. (ZIA LUNA)