Sat. Nov 23rd, 2024

📷Al Jazeera

UMABOT sa apatnapung Pinoy ang napatay kada araw sa loob ng 17 buwang  ipinatupad ng administrasyong Duterte ang madugong drug war.

Sinabi ni human rights lawyer Chel Diokno sa pagdinig ng  House Committee on Human Rights ngayon, Hunyo 5, may 20, 322 drug suspects ang napaslang sa 17 buwang implementasyon ng drug war ni Duterte.

Mataas ito ng tatlong beses sa official count ng gobyerno na 6,200 nasawing Pinoy na inamin ng administrasyong Duterte.

Binasa ni Diokno sa pagdinig ang bahagi ng “extended resolution” ng Korte Suprema na nagsabi ng bilang ng mga napatay sa drug war n amula mismo sa tanggapan ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinukoy aniya ng SC 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa kasong, “Amora vs. Dela Rosa” (dating Philippine National Police chief at ngayo’y Sen. Bato Dela Rosa), na isinampa noong 2018.

Ayon sa SC resolution, batay sa Office of the President (OP) report, sa kabuuan ay may 20,322 drug suspects na napatay mula 1 Hulyo 2016, at 27 Nobyembre 2017.

Umabot sa 3,967 katao ang napatay ng mga pulis dahil sa  “police operations”, habang16,355 ay pinaslang ng “riding in tandem and other unknown persons”.

Giit ni Diokno, base sa SC resolution, ang daily average ng drug suspects na napatay ay  39.46 sa panahong saklaw ng OP accomplishment report.

Sa datos ng iba’t ibang drug watch groups, maaaring umabot mula 27,000 hanggang 30,000 ang napatay na Pinoy sa drug war ng rehimeng Duterte. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *