📷Sen. Risa Hontiveros
NANAWAGAN si Senadora Risa Hontiveros kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tuluyan ng ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa dahil ito’y banta sa seguridad ng bansa.
Apela ito ni Hontiveros kay Marcos, pinuno ng National Security Council (NSC), matapos ang isinagawang executive session ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ukol sa epekto ng POGO sa bansa at kaugnay na rin sa imbestigasyon ng komite sa pagkakadawit ni Bamban Mayor Alice Guo sa operasyon ng POGO.
Bagama’t tumanggi si Hontiveros na isiwalat ang naganap sa executive session, aminado siyang natukoy ang pagkakaroon ng banta sa seguridad ng bansa dahil sa POGO.
Hindi idinetalye ni Hontiveros ang klase ng banta sa seguridad ng POGO ngunit tinutukoy pa aniya sa pagsisiyasat ang kaugnayan sa human trafficking, at iba pang sindikato partikular na ang pagkaksangkot sa money laundering.
Ginagawa na aniya ng mga ahensya ng pamahalaan na dumalo sa executive session ang lahat ng klase ng imbestigasyon upang tuluyang matuldukan at matukoy ang banta ng POGO sa Pilipinas.
Inaasahan din ni Hontiveros na tatalakayin ng mga kinatawan ng NSC na dumalo sa executive session kay Pangulong Marcos ang lahat ng kanilang pinag-usapan upang makagawa ng desisyon ang Punong Ehekutibo ukol sa POGO.
Kaugnay nito umaasa si Hontiveros na sa pagbabalik ng sesyon ng Senado ay matalakay ng mga senador ang naunang komite report na ginawa ni Senador Sherwin Gatchalian at nilagdaan ng mayoryang senador na tuluyang nagrerekomenda sa pag-ban ng POGO sa bansa.
Naniniwala kasi si Hontiveros na ang pag-ban sa POGO ang tanging paraan para tuluyang maalis ang banta sa seguridad ng bansa at mahinto ang anumang krimen na may kaugnayan dito.
Sa huli iginiit ni Hontiveros na nasa kamay ng Pangulo ang tunay na kapalaraan ng POGO lalo na’t wala namang katotohanan na nagbibigay ito ng trabaho sa mga Filipino bagkus ay biktima pa ang mga kababayan sa pang-aabuso ng mga nagpapatakbo ng operasyon nito. (NINO ACLAN)