HINDI pa handa ang Pilipinas sa pagpapatupad ng batas kontra-terorismo.
Kahit kasi mismong gobyerno ng Pilipinas ay nalilito sa kahulugan ng salitang terorismo.
Si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves ay designated terrorist ng Anti-Terrorism Council (ATC) bunsod ng pagkakasangkot sa mga patayan sa kanilang lalawigan, gaya ng pagpatay kay Gov. Roel Degamo, na kagagawan ng minamantine niyang armadong grupo at pinopondohan ng kanyang illegal activities, gaya ng online sabong.
Ang paghahasik ng lagim ng armed group ni Teves, ayon sa ATC, ay may layuning takutin ang mga residente upang matanganan ng pamilya ng kongresista ang liderato sa politika sa Negros Oriental.
“These acts are also designed to influence by intimidation the local population and government of Negros Oriental to seriously undermine public safety and to ensure that Cong. Teves, Jr. and his group could continue and expand their reign of terror in the guise of political leadership,” sabi ng ATC.
May isa pang bersyon ang “terorismo” para sa administrasyong Marcos Jr.
Si Dr. Oliver Gimenez, kasalukuyang municipal health officer ng Medellin, Cebu, at iba pang opisyal ng Community Empowerment Resources Network (CERNET) ay kinasuhan ni 302nd Infantry Brigade ng Philippine Army (302nd). IB PA) Commanding Officer BGen. Joey A. Escanillas ng umano’y paglabag sa RA 10168 o ang “Terrorism Financing Prevention and Suspension Act of 2012” sa Department of Justice (DOJ).
Malinaw na walang basehan ang kaso laban kay Dr Gimenez at sa mga kasama niyang opisyal ng CERNET at may layunin lamang na manggulo at maghasik ng takot, ayon sa Health Alliance for Democracy (HEAD).
Ang gawa-gawang kaso laban kay Dr. Gimenez at sa CERNET ay nakapipinsala sa paghahatid ng mga serbisyo na nagreresulta sa higit pang marginalization ng mahihirap na benepisyaryo nito.
Taliwas sa pagkatao ni Teves na isang political warlord, pinakinggan ni Dr. Gimenez ang panawagan na maglingkod sa mga komunidad na kulang sa serbisyo mula noong 1990s.
Bilang isang doktor sa programang pangkalusugan na nakabatay sa komunidad ay naglingkod siya sa malalayong lugar at hindi napagsilbihan na mga komunidad sa Cebu.
Habang nagbibigay ng kinakailangang serbisyong pangkalusugan sa mga Cebuano, naninindigan si Dr Gimenez at nakikipaglaban kasama ng mga kapwa doktor at propesyonal sa kalusugan laban sa mga pambansang patakaran na nagdudulot ng higit pang kahirapan sa mga tao at nagpapalala sa kalagayan ng kalusugan ng mga tao.
Naging miyembro siya ng Health Alliance for Democracy (HEAD) Cebu Chapter noong 1995, at nahalal bilang Bise Presidente nito noong 1997.
Bilang HEAD-Cebu officer, nakilahok si Dr Gimenez sa mga aktibidad kabilang ang fora at mga talakayan sa Malignancies of Charter Change at Oil Price Hike.
Sumali siya sa mga medical mission sa mga komunidad at nagbigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga detenidong pulitikal.
Si Dr. Gimenez ay ang executive director ng CERNET, isang network ng mga humanitarian and development organizations sa Visayas na itinatag noong 2001.
Ang CERNET ay nagpapatupad ng social amelioration at small-fund projects sa mga urban at rural na komunidad, kabilang ang mga lugar ng pagsasaka sa Bohol at Negros Oriental.
Nagbibigay ito ng mga pagsasanay at serbisyong pangkalusugan, paghahanda sa kalamidad, at mga proyekto tulad ng urban gardening, ang CERNET ay nagbigay ng mga relief goods at tulong sa mga biktima ng Bagyong Odette at sa mahihirap na komunidad sa panahon ng pandemya ng COVID-19.
Sa halip na kilalanin ang mga serbisyong ito, harassment, pananakot, pagdukot, at extra-judicial killings ang nararanasan ng CERNET at mga miyembro nito, pati ang mga katuwang nilang People’s Organization, mula sa mga puwersang panseguridad ng estado mula 2006 hanggang sa kasalukuyan.
Ang patuloy na pag-uusig sa CERNET, kasama ang mga miyembro, kawani, at partner na PO nito, ay isang paglabag sa mga karapatang nakasaad sa Bill of Rights, International Covenant on Civil and Political Rights, at International Convention on Social, Economic, and Cultural Rights.
Ang sinasadyang pag-target sa CERNET at ng iba pa ay lumalabag sa kanilang mga karapatan bilang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, gaya ng tinukoy sa Resolution 53/144 ng U.N. General Assembly (9 Dis. 1998).
Ang pag-atake laban kay Dr Gimenez ay hindi isang nakahiwalay na kaso. Noong 2022, si Dr Naty Castro, isang matagal nang community doctor sa Mindanao ay arbitraryong itinalaga bilang “terorista” ng Anti-Terrorism Council sa ilalim ng Anti-Terrorism Act.
Ang mga pag-atakeng ito ng mga ahente ng estado laban sa mga doktor, manggagawang pangkalusugan at mga tagapagbigay ng serbisyo ay nagpapalala lamang sa kakulangan ng mga doktor na naglilingkod sa mga komunidad at humahantong sa karagdagang kakulangan ng mga serbisyong pangkalusugan sa mahihirap at marginalized na sektor.
Kaya makatuwiran ang panawagan ng HEAD sa mga tulad nila na grupong nakatuon sa serbisyo, tagapagtaguyod ng mga karapatan, at tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan na tumayo, tutulan at kondenahin ang mga pag-atakeng ito.
Dapat lamang na ibasura ang kasong Finance Terrorism laban kay Dr. Gimenez at mga kasamahan niya sa CERNET.
Kung ikokompara ang pagkatao at serbisyo sa bayan ni Teves kay Dr. Gimenez, sino kaya ang tunay na terorista, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla?