SIKSIK, liglig at umaapaw na kaligayahan ang naramdaman ng mga panauhin sa dinaluhang engrandeng birthday party ng isang solon sa five-star hotel kamakailan.
Hindi magkamayaw sa kaka-selfie ng mga bisita sa iba’t ibang sulok ng hotel na may casino, mula sa mga barangay officials, principal ng mga public school, mga pari, at mga opisyal ng city hall.
“Akala siguro nila kabilang na sila sa alta sociedad sa kakaibang piging na kanilang pinuntahan,” paingos na wika ng Chismosa sa Tambo.
Unang kinuwestyon ng Chismosa sa Tambo ay ang ginasta ng solon sa grandiyosong piging.
Batay kasi sa Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees Section 4 (h) Simple living. – Public officials and employees and their families shall lead modest lives appropriate to their positions and income. They shall not indulge in extravagant or ostentatious display of wealth in any form.
“Malinaw na hindi pagpapakita ng simple living ang ti-par ng solon,” sabat ng miron.
Kahit ikatuwiran pa raw ng solon na may sponsor naman at hindi siya ang gumasta para sa kanyang piging, pasok pa rin ito sa probisyon ng RA 6713 hinggil sa pagtanggap ng regalo ng taga-gobyerno, “ (d) “Receiving any gift” includes the act of accepting directly or indirectly, a gift from a person other than a member of his family or relative as defined in this Act, even on the occasion of a family celebration or national festivity like Christmas, if the value of the gift is neither nominal nor insignificant, or the gift is given in anticipation of, or in exchange for, a favor.”
May ma-epal raw na opisyal ng barangay ang tuwang-tuwa na nag-pose sa loob ng casino ng hotel at proud na proud na umupo pa sa mesa ng sugalan, nagpakuha ng larawan at ipinagmalaki pa sa social media.
Alam kaya niya na may Memorandum Circular No. 6 series of 2016, na nilagdaan si dating Executive Secretary Salvador Medialdea, na nagbabawal sa mga taong gobyerno ,“to enter, stay, or play in gambling casinos”?
“Aba, aba, aba, mukhang tumatalino na ang Las Chismosas at panay batas na ang lumalabas sa bibig at hindi na chismis,” pabirong sabi ng alalay ng Chismosa sa Tambo.
CLUE:
Kahit bagong tina ang buhok ng may birthday, hindi maitago ang kanyang pangambang bilang na ang mga araw ng kanyang pamilya sa puwesto.
“Ikaw ba naman ang hindi siputin ng Bossing ng Bayan Mo ang birthday party, ano ang pahiwatig sa iyo?” tanong ng mapang-urot na dyoging sa casino.
Tagilid na talaga ang lagay niya sa siyudad na ginawa niyang pugad ng kanilang mga Kalokohan.
‘Yun na!