TULUYAN nang naetsapuwera ang pamilya Duterte sa binuong political dynasty cartel ng kanyang mga kalaban at mga dating kaalyado.
Ito ang naging hudyat para magbitiw na bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at co-vice chairman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) si Vice President Sara Duterte kahapon.
Makaraan ang dalawang taon at anim na buwan, naganap ang matalas na analysis ni Aries Arugay, UP Political Science professor, na mababalewala na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa itinatag na political dynasty cartel ng kanyang mga dating kakampi dahil napabayaan niya o hindi natutukan ang binuo niyang koalisyon noong 2016.
Ang tinukoy na political dynasty cartel noong 2022 elections ay ang pagsasama ng mga Marcos, Arroyo, Duterte at Estrada para suportahan ang tambalang BongBong Marcos sa pagkapangulo at Sara Duterte sa pagka-bise presidente.
Paliwanag ni Arugay, hindi kinagat ang orihinal na planong Duterte-Duterte tandem at patunay ito na bagama’t ‘’permanent feature’ ang political dynasties sa bansa, may limitasyon sa mga abilidad nito para lahat ay makontrol kaya’t kailangan makipag-alyansa ang ibang dynasties sa isa’t isa para lalong tumatag.
Hindi aniya pumasa sa panlasa ng ibang dynasties ang postura ni dating Pangulong Duterte na siya ang magdidikta sa koalisyon bagkus mas ginusto nila ang magbuo ng kolektibong mekanismo upang mapalakas ang kanilang kapangyarihan at hindi aasa lamang sa kanyang desisyon.
Nauna rito’y nagbabala si Arugay na kapag naging matatag ang umusbong na political dynasty cartel, maaaring manatiling hawak nila ang kapangyarihan hanggang 2034 dahil tityakin nilang magmumula sa kanilang hanay ang pinuno ng bansa.
“This emerging dynasty cartel is really a new development because we’re used with dynasties competing with one another, and not really promiscuously sharing power,” aniya.
“If this alliance becomes iron clad, then we could be talking of beyond 2022, 2028, 2034. That’s how cartels work. They limit the competition. They make sure winners of future electoral contests will be among them and this is quite another level of Philippine dynastic politics,” wika ni Arugay.
Nag- evolve na rin aniya ang political dynasties at ang mga anak ay may lakas na ng loob na suwagin ang magulang gaya ng ginawa ni Sara kay dating Pangulong Duterte nang suwayin niya ang alok ng kanyang ama na kumandidatong presidente at gawin vice presidential bet si Sen. Christopher “Bong” Go.
“She is not simply following orders from her father. This for me is an indication that there is some form of generational change in our dynastic politics and we will have to wait if they will be governed by the very short-sighted interest of ambition and greed or they will step up,” sabi ni Arugay.
Sa kabila ng pagtutol ni dating Pangulong Duterte ay naging vice presidential bet si Sara ni Marcos habang si Go ay umatras bilang presidential candidate ng administrasyon.
Hindi na umabot sa 2025 midterm elections ang UniTeam na nagluklok sa kapangyarihan kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at VP Sara, maliban sa nabuwag na, “nagkakagatan” pa sila.
Higit na kawawa at naiipit sa gitna ng matinding umpugan ng interes ng mga political dynasty ay si Juan dela Cruz, ninakawan na at patuloy na ninanakawan, ginagamit pang instrumento para manatili sila sa kapangyarihan.
Gising, Bayan!