📷Eddie Romero/Christian Razukas/Wikipedia
Bilang pagpupugay sa naging ambag ng yumaong direktor at National Artist for Film Eddie Romero si Sen. Grace Poe sa pamamagitan ng paghahain ng Senate Resolution No. 1040, kaugnay na rin ng sentenaryo ng kapanganakan ng namayapang direktor noong Linggo, Hulyo 7.
“It is but proper to give honor to Director Eddie Romero’s remarkable life and to remember his notable contributions to Philippine cinema and the arts,” ani Poe sa kaniyang inihaing resolusyon.
Binigyang-diin din ng senadora na dapat na tangkilikin at suportahan ng gobyerno ang sining at panitikan, batay na rin sa nasasaad sa probisyon ng kasalukuyang Saligang Batas, at maging ang pangangalaga, pagsusulong, at pagpapatampok ng itinuturing na pamanang historikal at kultural na pamana ng bansa, at pati na rin ang mga likhang-sining na likha ng mga Pilpino.
Isinilang noong Hulyo 7, 1924 sa Dumaguete City, sa Negros Occidental si Romero, na anak ni dating Ambassador Jose E. at Pilar Sinco Romero. Taong 2003 nang gawaran siya ng titulong Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at namatay noong ika-28 ng Mayo, 2013.
Bukod sa pagiging direktor sa pelikula, nagsulat at nagprodyus din si Romero ng mga pelikulang tumatalakay sa kasaysayan at sosyo-ekonomikong suliranin ng bansa.
Kabilang sa importanteng mga likha ni Romero ay ang “Aguila” (1980), “Ganito Kami Noon…Paano Kayo Ngayon?” (1976), “Ang Princesa at Ang Pulubi’ (1951), “Manila, Open City” (1968), “Banta ng Kahapon” (1977), “Kamakalawa” (1981), at ang kaniyang 13 bahaging munting serye sa telebisyon na “Noli Me Tangere” (1992) na pinagbidahan noon nina Joel Torre bilang Crisostomo Ibarra, Chin-Chin Gutierrez bilang Maria Clara, ang namayapang Subas Herrero bilang Padre Damaso, National Artist for Theater and Literature Rolando Tinio bilang Pilosopo Tasyo, at iba pang kilalang personalidad sa teatro, pelikula, at telebisyon.
“Philippine cinema has been graced by the eminence of Direk Eddie Romero, and it is but fitting to pay homage to his contributions that have been nothing short of extraordinary,” saad pa ni Poe. (NOEL SALES BARCELONA)