IKINAKASA na ng iba’t ibang progresibong grupo ang isang “oversized ball” na tinagurian nilang ‘Binobolang Pilipinas’ na may ‘Bagong Pilipinas’ logo at imahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagpapasa-pasahan ng mga kalahok sa kilos-protesta laban sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng presidente sa Hulyo 20.
Sumisimbolo anila ang bola sa mga hungkag na pangako ni Marcos Jr. at ang kanyang ‘Bagong Pilipinas’ slogan
Bukod sa mini-float na irarampa at iparirinig din ang ilang protest songs at BINI-inspired na kantang “Despotiko” at mga slogans.
Sa pulong balitaan kanina ay tiniyak ng mga grupo na may inihanda silang effigy na inaasahang susunugin matapos ang kanilang programa..
“Yung ‘Bagong Pilipinas Hymn’? Don’t get us started with that, hindi nakakaganda yung ‘Bagong Pilipinas Hymn’ sa flag ceremony. Kawawa ang mga estudyante natin at mga kawani who [are] forced to sing such a hymn,” sabi ni Jeune Aramburo ng Concerned Artists of the Philippines.
Kabilang rin sa itatampok na mga isyu ay ang pagbatikos sa kakarampot na P35 umento sa sahod at gimik na P29/kilo ng bigas na ipinagbibili ng gobyerno.
Tinatayang nasa 6,000 ang makikiisa sa kilos protesta kontra SONA. (ZIA LUNA)