NAKAHANDA ang Senado na ipadala ang mga doktor ng senado upang suriin ang tunay na kalagayang pangkalusuagn ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito ang tahasang sinabi ni Senate President Francis “Chiz Escudero sa sandaling walang sinumang doctor ang nais na magsuri ng kanyang kalagayang pangkalusugan.
Batay sa pahayag ng kampo ni Guo, 50 porysento ang posibilidad na hindi makadalo sa ikalawang pagkakataon ang alkalde dahil sa estado ng mental health niya sanhi umano ng naranasang trauma sa pagdalo niya sa ilang pagdinig ng Senado.
Ayon kay Escudero tulad ng ilang mga inimbitahan sa pagdinig na hindi nakadadalo ay kailangang mag-produce ni Guo ng kanyang medical certificate na magpapatunay sa kanyang kalagayang pangkalusugan.
Binigyang-linaw ni Escudero na kung talagang balido naman ang medical certificate ito ay tinatanggap ng Senado.
Magugunitang nagbanta si Senadora Risa Hontiveros na kanyang ipaparesto si Guo kung hindi talaga ito dadalo sa pagdinig ng Senado.
Aminado si Escudero na kung mapapatunayan naman ng Senado na nagsisinungaling o nagpapalusot lamang si Guo para hindi dumalo sa pagdinig ay hindi siya magdadalawang isip na lagdaan niya ang anumang warrant of arrest na hihilingin ng mga senador partikular na ang pinuno ng komite na si Hontiveros na nagsasagawa ng imbestigasyon.
Tiniyak ng Senate President na igagalang nila ang anomang karapatan at nais na maging hakbangin ng kampo ni Guo. (NINO ACLAN)