Larawan mula sa Altermidya
ISANG desperadong pag-iwas sa pananagutan ang pagtanggi ni Vice President Sara Duterte na manumpa upang ihayag ang katotohanan.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), sinisiraan ni VP Sara ang mga kritiko, na ang ilan sa kanila ay mga dating kaalyado niya, sa halip na direktang tugunan ang mga kontrobersyang nakapalibot sa kanyang maling paggamit ng pampublikong pondo.
Anang grupo, ang ipinakitang nakakahiya at mapagmataas na mga kalokohan ni VP Sara sa Kongreso ay sumasalamin sa tipikal na pag-uugali ng isang public official na sinusubukang itago ang isang maanomalya at maging kriminal na gawain.
“Her embarrassing and arrogant antics in Congress reflect the typical behavior of a public official trying to hide an anomalous and even criminal act,” anang Bayan sa isang kalatas.
Hindi anila dapat makagambala sa paghingi ng publiko ng katotohanan sa kanyang mga kuwestiyonableng paggastos ang malisyosong pakana ni VP Sara .
Giit ng Bayan, nambu-bully si VP Sara para pigilan ang mga mambabatas at publiko na ituloy ang proseso nang pagpapanagot sa kanya.
Pilit anilang binabalangkas ng bise presidente ang pagtatanong bilang isang personal na pag-atake laban sa kanya gayong ito’y isyu ng pera ng bayan at isang mahalagang hakbang upang labanan ang kawalan ng pananagutan sa pandarambong ng pondo ng gobyerno.
“She frames the inquiry as a personal attack against her when this is a public concern and an important step to fight impunity in the plunder of government resources.”
Binigyan diin ng Bayan na ang mga iregularidad sa paggasta sa badyet ng kanyang opisina bilang bise presidente at kalihim ng edukasyon ay nagpapatunay sa matagal nang panawagan ng kanilang grupo para sa muling pag-aayos ng confidential funds ng mga sibilyang opisina upang madagdagan ang badyet ng mga ahensyang namamahala sa paghahatid ng mga serbisyong panlipunan.
Dapat anilang ibasura ng Kongreso ang lahat ng uri ng pork barrel, kabilang ang napakalaking unprogrammed funds at special purpose funds ng Office of the President.
Nananawagan ang Bayan sa mamamayan na kondenahin ang mapaminsalang burukrata kapitalismo na nagbigay-daan sa mga political dynasties tulad ng mga Marcos at Duterte na maglaan ng pampublikong pondo para sa kanilang personal na kapakanan.(ZIA LUNA)