HINAMON ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si puganteng Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy na magpakita at harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Ang pahayag ni Marcos Jr. ay bilang reaksyon sa pagkuwestiyon ng kampo ni Quiboloy sa motibo ng mga pribadong indibidwal na nag-alok ng P10 milyon para sa anomang impormasyon na magbibigay daan sa pagkadakip ng puganteng KOJC leader.
“He can question their motives as much as they want. But magpakita siya. I question his motives. Let me question his motives,” tila nayayamot na sagot ni Marcos Jr.
“Bakit lagi kami kinukuwestiyon? Sinusundan lang namin ang batas. Sundin din niya ang batas. ‘Yun lang,” dagdag niya.
Matatandaan nilabas ng mga hukuman ang arrest warrants laban kay Quiboloy at iba pa niyang alipores dahil sa paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at Republic Act No. 9208 o Qualified Human Trafficking.
Sinalakay noong nakaraan buwan ng Philippine National Police’s Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang lugar na pagmamay-ari ng KOJC sa Davao City upang isilbi sana ang arrest warrant ngunit hindi siya natagpuan. (ZIA LUNA)