Sat. Nov 23rd, 2024

📷ICC Assistant to Counsel Kristina Conti

NAGBALIK lang sa dati niyang “lungga” si Col. Lito Patay matapos italaga siyang muli bilang hepe ng Davao City Police.

Nagpahayag ng pagkabahala si International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel Kristina Conti sa pagbabalik ni Patay sa siyudad lalo na’t ang nasabing opisyal ang aniya’y naging tagapagpatupad ng madugong drug war ng administrasyong Duterte.

“The development that Lito Patay – one of the implementers, one of the worst recorded violators during the war on drugs – is now Davao City police chief… is concerning to us,” sabi ni Conti sa programang “Storycon” sa One News kahapon.

“I don’t know how it would work in the context of a possible warrant of arrest against his former principal, Rodrigo Duterte, and even Ronald “Bato” Dela Rosa,” dagdag niya.

Si Patay ay isa sa mga miyembro ng tinaguriang “Davao Boys,” isang grupo ng mga pulis mula sa Davao City na dinala sa Manila upang maging tagapagpatupad ng drug war noong unang taon ng administrasyong Duterte.

Sa isang ulat ng Reuters ay tinukoy ang Batasan Station ng Quezon City Police District na pinamunuan ni Patay na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng napatay sa anti-drug operations na inilunsad noong unang taon ni Duterte sa Malakanyang.

Noong Mayo 2022 o isang buwan bago bumaba sa puwesto si Duterte ay inabsuwelto ng Malakanyang si Patay sa isang kasong administratibo na may kinalaman sa pagkamatay ng isang menor de edad sa police operation sa Payatas, Quezon City noong 2016.

Matapos sibakin ang ilang opisyal ng Davao City Police kamakailan, iniloklok si Patay bilang hepe ng pulisya ng lungsod.

Pinag-aaralan ni Conti ang mga susunod na hakbang kaugnay sa pagkuwestiyon sa pagbabalik sa puwesto ni Patay.

Kahit aniya hindi kasama si Patay sa public documents na inilabas ng ICC, iginiit ni Conti na ang pangalan ng nasabing opisyal ay ilang beses nabanggit sa ilang isinumite nilang dokumento hinggil sa naging papel niya sa drug war.

Kompiyansa si Conti na lalabas ang arrest warrants partikular laban sa mga “most responsible” bago matapos ang taong kasalukuyan.

Ngunit inaasahan niya na hindi ito iaanunsyo ng ICC sa publiko dahil ang pag-isyu ng arrest warrant ay itinuturing na confidential.

Ang pangunahing dahilan aniya ay ang pagsisilbi ng warrant dahil umaasa lamang ang ICC sa pakikipagtulungan ng gobyerno para sa implementasyon nito.

Naninindigan si Marcos Jr. na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *