📷Ang pinaslang na beteranong mamamahayag na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.
INAMIN ni Dr. Raquel Fortun, forensic pathologist, na ang “Percy Lapid murder case” ang nagbigay daan para isulong ang pagsasaayos ng death investigation at autopsy sa pamamagitan ng forensic pathology sa Bureau of Corrections (BuCor).
Matatandaan si Fortun ang nagsagawa ng autopsy sa person deprived of liberty (PDL) sa New Bilibid Prison (NBP) na si Jun Villamor na pinaslang ng mga kapwa PDL sa pamamagitan ng pagsaklob ng plastic sa ulo, makaraan ikanta siya bilang kumontak ng triggerman na pumatay kay Lapid.
Pinaslang si Lapid bunsod ng pagbubulgar ng mga illegal na aktibidad sa NBP at kuwestiyonableng yaman ni noo’y NBP chief Gerald Bantag.
“Not just because you’re a prisoner, society forgets about you. There must be dignity in death,” ani Fortun.
Nilagdaan kahapon ng Department of Justice (DOJ) ang isang declaration of cooperation kasama ang United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC), na nagtalaga sa University of the Philippines (UP) Manila bilang pasilidad na pagdadalhan ng mga labi ng persons deprived of liberty (PDLs) para isailalim sa autopsy at death investigation.
Naging kalakaran sa BuCor na idiretso sa punerarya ang mga labi ng PDL at agad na ineembalsamo ito bago pa man isailalim sa autopsy sakaling may kuwestiyon sa pagkamatay ng detenido.
Sa ilalim ng kasunduan, ang UNODC ang magbibigay ng “equipment, expertise, and procedures in keeping with international standards to ensure the integrity of the forensic evidence gathered and its chain of custody, in case such findings are needed in judicial proceedings.”
Inatasan ang DOJ na kagyat na dalhin ang mga labi ng PDLs mula sa bilangguan na pinamamahalaan ng BuCor sa mga itinalagang pasilidad ng College of Medicine ng UP Manila.
Saklaw din ng partnership, hindi lamang NBP sa Muntinlupa City kundi maging sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong.
Batay sa talaan ng BuCor, umabot na sa 4,636 PDLs ang nasawi sa bilangguan mula 2020 at ang pangunahing sanhi ay tuberculosis (TB).
“That’s very telling. If there’s TB among the PDLs, your (BuCor) workers are just as exposed. These people were never diagnosed, much less treated. You can imagine the pain they experienced before they died,” sabi ni Fortun.
May mga kaso rin aniya na ang cause of death na idineklara sa death certificate ng PDLs ay malayo sa lumabas na resulta ng kanilang forensic analysis.
“This is a way to get answers. Let’s learn from these deaths. Let’s hear what the dead PDLs are saying and prevent these deaths,” aniya. (ROSE NOVENARIO)