📷Isa ang Caloocan City sa mga lugar na lumubog sa baha sa kasagsagan ng bagyong Carina
SINALANTA ng ulan at baha ang maraming Pinoy, dalawang araw lang matapos ibida sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “matagumpay” nang natapos ang 5,500 flood-control projects sa buong bansa na nagkakahalaga ng P244.57 bilyon
“Dapat namang magpaliwanag ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan ginastos ang P1.079 bilyon kada araw na pondo nito para sa flood-control,” ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Chairperson Danilo Ramos
“Ano’ng nangyari sa multi-bilyong budget para sa pagsipsip ng tubig at dredging ng mga ilog? ani Ramos.
Sa ulat ng Pinoy Weekly, ang naranasang pagbaha sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, Bataan ay direktang resulta ng pagwasan ng mga wateeshed at reklamasyon sa Manila Bay.
Reklamasyon sa Manila Bay
Sinabi ng Kalikasan People’s Network for the Environment (KPNE), ang nagpalala ng baha ang reklamasyon ng San Miguel Corporation para sa 2,500 ektaryang proyektong airport sa Bulacan at 23 iba pang proyektong reklamasyon sa mahigit 47,000 ektarya ng baybayin ng Manila Bay.
Ayon kay Jonila Castro, advocacy officer ng Kalikasan at tagapagsalita ng AKAP KA Manila Bay, winawasak ng naturang mga proyekto ang natural na pansalag sa baha, storm surge at coastal erosion kaya lalong bulnerable ang mga lungsod sa palibot ng Manila Bay.
Isa rin sa pinakamalaking proyektong reklamasyon ang 318 ektaryang Manila Waterfront City Development Project ng kumpanyang pag-aari ng pamilya ni Sen. Sherwin Gatchalian, kasosyo ang malalaking negosyanteng Chinese.
Pinasuspinde ni Marcos Jr. ang 22 proyektong reklamasyon sa Manila Bay noong Agosto 2023, kasunod ng matinding pagbaha sa Bulacan at Pampanga dahil sa mga bagyong Egay at Falcon.
Pero sa pagmo-monitor ng grupong Pamalakaya Pilipinas, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng mga ito sa Cavite, Pasay, Bulacan at Bataan. Dalawang bagong proyekto rin ng reklamasyon ang inaprubahan ng Philippine Reclamation Authority sa Bacoor at Navotas.
Tinukoy ring sanhi ng matinding pagbaha ang pagkakalbo ng Upper Marikina River Watershed (UMRW) dahil sa quarrying, pagmimina at mga hydropower project sa kagubatang bahagi ng Sierra Madre sa Rizal.
Ayon sa Advocates of Science and Technology for the People (Agham), nasa 19 na proyektong minahan ang may operasyon sa 3,622 ektaryang kagubatan ng Rizal.
Nakaapekto rin sa watershed ang konstruksiyon at pagpapalawak ng Kaliwa-Kanan Dam at Wawa Dam.
Giit ng grupo, winawasak ng dalawang hydropower project sa kabundukan ng Rizal ang mga ilog at nagpapatindi ng pagbaha sa mga mababang lugar.
Tumindi naman ang pinsala ng baha dahil sa pagtatayo ng mga housing project ng gobyerno sa mga bahaing lugar.
Sino ang dapat managot?
“Ngayon, dalawang araw lang matapos ang SONA si Pangulong Marcos Jr., kung saan ibinida niya ang sarili bilang climate champion, literal na nilulunod ang Metro Manila at kalapit na probinsiya ng kanyang mga bigong pangako,” ani Castro.
Aniya, pinatunayan ng karanasan sa Bagyong Carina na kasinungalingan lang ang pangako ng malalaking negosyo at gobyerno na mabuting idudulot ng mga proyektong reklamasyon, minahan at mega-dams.
“Hindi solusyon kundi dambuhalang problema ang mga proyektong ito. Nagdulot ito ng matinding pagbaha at sumira sa kabahayan at kabuhayan ng mamamayan. Dapat managot ang mga nasa likod ng mga proyektong ito,” dagdag ni Castro. | via Pinoy Weekly