Sun. Nov 24th, 2024

📷Huang Zhiyang (ABS-CBN)

 

TINUKOY na ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pangalan ng tinaguriang “boss of all bosses” ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na sangkot sa mga sindikatong kriminal.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay PAOCC Executive Director Gilbert Cruz ay tinanong siya kung si Huang Zhiyang, na natuklasang may limang pasaporte sa ginanap na raid sa Clark, Pampanga, ang “boss of all bosses” ng illegal POGOs.

“Opo, opo,” tugong ni Cruz.

Ngunit hindi niya kinompirma kung si Huang din ang tumulong kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na tumakas ng bansa.

“Basta ‘yun po ‘yung may limang passport,” sabi ni Cruz.

“‘Yung Huang Zhiyang, ‘yan din po yung nasa Singapore, ‘yan po ‘yung—kung napansin niyo ‘yung tumulong po kay Alice Guo para ma-accommodate siya sa isang hotel,”dagdag niya.

Sa ginanap na pagdinig sa Senado noong Lunes ay inihayag ni Sen. Jinggoy Estrada na nasa Taiwan na umano si Huang. Ng

Inamin ni Cruz na may ilang indibidwal na lumapit sa kanya na nilapitan siya tungkol sa POGO hub sa Tarlac bago pa ito sinalakay noong Marso 2024.

“Actually sir, nu’ng bago pa lang po raid-in ‘yung Bamban POGO, may nagpaparamdam na po, mga lumalapit na nga po. Hanggang sa ma-file-an ng kaso, hanggang sa magtago siya,” aniya.

Ilan din kaibigan niya ang nilapitan din at pasimpleng inusisa ang lagay ng kaso.

“Ang dating po parang kuwentuhan lang po na lalapit sa iyo tapos babanggitin, kakamustahin ang kaso, pero ramdam mo naman po ‘yun kapag kumikiling sila sa ganyan,” sabi ni Cruz.

“Sinasabi ko sa kanila kako ‘wag niyo na ulit kausapin ‘yan kasi parang alam ko na kung anong patutunguhan ‘yung nu’ng usapan niyong ‘yan,” aniya.

Kaugnay nito, itinuro na ng mga saksi ang apat na umano’y lugar na pinaglibingan ng mga dayuhan malapit sa Lucky South 99 POGO hub sa Porac, Pampanga.

“Kung meron man, ia-ano po natin ‘yan, ibabangga po natin ‘yan sa listahan doon sa mga missing persons ng mga embassies,” saad ni Cruz.

Mag-a-apply ng search warrant ang PAOC upang mahalughog ang lugar, sabi ni PAOCC spokesperson Winston Casio kamakalawa. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *