SIGE ang pagputak ng National Security Council laban sa pag-usad ng mga dayalogo sa posibleng pagpapatuloy ng pormal ng negosasyong pangkapayapaan, pero hindi ito pinalampas ng isang underground na rebolusyonaryong organisasyon ng mga Kristiyano.
Binuweltahan ng Christians for National Liberation (CNL) ang panibagong paninira ni NSC Spokesman Jonathan Malaya at tinawag siyang isang opisyal ng gobyerno na hindi tapat at mapagkunwari sa paggigiit na talikuran ng rebolusyonaryong kilusan ang armadong pakikibaka.
Sa isang pahayag noong Miyerkules, Setyembre 11, tinukoy ng CNL na mismong ang chief of staff ng Armed Forces of the Philippines na si Gen. Romeo Brawner Jr. ang nangakong magpapatuloy ang mga operasyong militar laban sa New People’s Army (NPA) sa kabila ng paglagda sa Oslo Joint Statement noong Nobyembre 2023.
Ang CNL ay isang kaalyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na binubuo ng mga klero, relihiyoso at laykong manggagawa sa simbahan.
Kinuwestiyon ng CNL ang pagpapatuloy ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) ng mga kontra-rebolusyonaryong opensiba habang ang CPP (Communist Party of the Philippines)-NPA-NDF ay hinihiling ng GRP na talikuran ang armadong pakikibaka.
“Why is the GRP continuing its counterrevolutionary offensives while the CPP (Communist Party of the Philippines)-NPA-NDF is asked to abandon armed struggle?” anang CNL.
Inihayag sa Oslo Joint Statement ang patuloy na pagsisikap na buhayin ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at ng gobyerno ng Maynila na unilaterally na winakasan ni dating GRP President Rodrigo Duterte noong 2017.
Sinabi ni Malaya noong Martes na si Ferdinand Marcos Jr. ay “committed to the peace talks… provided that they will give up the arms struggle.”
Idinagdag ng NSC assistant director general na sinusuportahan nila ang exploratory talks “provided that the CPP-NPA-NDF does not impose their usual preconditions,” na tumutukoy sa assertion ng NDFP Negotiating Panel sa 1992 GRP-NDFP The Hague Joint Declaration bilang balangkas ng mga pag-uusap.
Ayon sa NSC boss ni Malaya na si Eduardo Ano, nais ng Marcos Jr. GRP ng panibagong simula sa mga pag-uusap, iginigiit ang pag-abandona sa mga dati nang nilagdaan na kasunduan tulad ng paggalang sa karapatang pantao at internasyonal na makataong batas gayundin ang libreng pamamahagi ng lupa sa mahihirap na magsasaka.
Masamang motibo
Giit ng CNL, ang kahilingan ni Malaya na patunayan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang kanilang sinseridad ay walang iba kundi isang pagtatangka na itago ang sariling masasamang intensyon ng GRP.
Anang CNL, ang pangunahing saligan ng isang negosasyon ay tinatrato ng may pantay na katayuan ang parehong partido, ngunit ang pahayag ni Malaya ay nagpapakita ng kabaligtaran.
Binigyan diin ng grupo na ipinataw ni Malaya sa rebolusyonaryong kilusan na isuko ang mga armas nito habang patuloy na binobomba ng GRP ang mga komunidad ng magsasaka at nilalabag ang internasyunal na makataong batas, habang sinusubukang iwasan ang mga mahahalagang isyu sa gitna ng tunggalian: kawalan ng hustisya sa lipunan, kawalan ng lupa, malawakang kawalan ng trabaho, at ang sistematikong pang-aapi sa mga mahihirap.
Giit ng CNL, ang NDFP at ang buong rebolusyonaryong kilusan ay palaging malinaw: handang makipag-usap sa kapayapaan, ngunit dapat itong maging isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, isa na tumutugon sa mga ugat ng kahirapan, pagsasamantala, at hindi pagkakapantay-pantay.
Ngunit ang GRP anila, sa ilalim ng maskara ng ‘kapayapaan at pagkakasundo,’ ay patuloy na nakikipagdigma laban sa mamamayan.
Ang kanilang mga kahilingan para sa pagsuko ay hindi negosasyong pangkapayapaan, bagkus, ito’y ang mga hirit ng mga mapang-api na naghahanap ng paraan upang durugin ang lehitimong paglaban at pakikibaka, ayon sa CNL.
Dapat anilang itigil ng GRP ang “panlilinlang at pagkukunwari” nito at makibahagi sa tapat, may prinsipyong usapang pangkapayapaan na nakatuon sa mga pangunahing isyu na nagtulak sa armadong tunggalian sa loob ng mga dekada.
“Noon lamang tayo makakapagsimulang kumilos tungo sa tunay at pangmatagalang kapayapaan, hindi batay sa pagsuko, kundi sa katarungan,” sabi ng CNL. (ROSE NOVENARIO)