HANGGANG pangarap na lamang ang ipinangakong P20/kilo presyo ng bigas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong 2022 presidential elections.
Nagbabala ang grupong Bantay Bigas na maaaring umabot sa P60 kada kilo ang pinakamababang presyo ng bigas sa bansa ngayong Kapaskuhan dahil sa kakulangan sa local supply at lumolobong halaga sa international market.
Ilang palengke sa Metro Manila ang nakapagbebenta pa ng P52 hanggang P54 bawat kilo, hanggang kahapon.
Upang mabuhay ay nagtitiyaga na lamang sa P50 bawat sakong kita ang maliliit na tindera ng bigas sa palengke kaysa mawalan ng hanapbuhay.
Hindi lamang sa Metro Manila tumataas ang presyo ng bigas, ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo dahil sa lalawigan ng Aurora na isang rice-producing province ay P52/ kilo na ang pinakamurang presyo ng bigas.
“’Yon ang malungkot na reyalidad. Magpapasko pa naman,” aniya sa panayam sa Teleradyo Serbisyo.
“Nakakatakot. Baka aabot talaga ng P60 per kilo ‘yong mga regular-milled rice given na wala namang nagagawang concrete na solusyon ‘yong gobyerno bagkus ay mag-import,” aniya.
Sinabi ni Agriculture group Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) chairman Rosendo So na ang presyo ng bigas sa ibang bansa ay tumataas din at nakaaapekto ito sa lokal na pamilihan.
“Maski imported mahal kasi eh. Ang Thailand, ‘yong well-milled rice eh nasa $600 per metric tons; ‘yong Vietnam nasa $643 per metric tons,” ayon kay So.
“Dahil mataas ang world market ngayon, siyempre ‘yong landed cost eh mataas so mataas din binebenta ‘yong imported rice.”
Sa ginanap na pagdinig sa House Committee on Agriculture and Food, inihayag ni NFA Administrator Roderico Bioco na ang initial shipments ng bigas mula sa India ay inaasahang darating sa bansa ngayong buwan ngunit aminado siyang malaking hamon pa rin ang presyo nito.
“We will have more supply by December. Prices are something that we hope will go down. But considering there is no more supply from the local market, unfortunately, there will still be [a] challenge in the prices of rice for December,” ani Bioco. (ZIA LUNA)