Mon. Nov 25th, 2024

ANG pinakamalaking sindikatong kriminal ay ang gobyernong pinamunuan ng isang maton na bisyo ang magmanipula at pangkat niyang kinabibilangan ng mga bigating mandarambong at mamamatay-tao.

Ito ang nabunyag sa mga testimonya sa pagdinig sa House quad committee, na ayon sa Bagong Alyansang Makabayan ay matagal nang iginigiit ng kanilang grupo na umiiral sa bansa  sa loob ng maraming taon.

“The recent testimonies at the quadcom hearings of the House of Representatives have revealed what we have been asserting for years: That the biggest criminal syndicate is the government headed by a manipulative thug and his cabal of big-time plunderers and murderers,” anang Bayan sa isang kalatas.

Hindi naman anila inilihim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang planong pumatay nang walang parusa, ngunit ang lawak ng kanyang mga krimen at ang sistematikong pagpapatupad ng mga pagpatay na idinerekta ng estado sa publiko ay hindi alam ng marami.

Giit ng Bayan, nagpatuloy ang pagpatay dahil ang commander-in-chief ay nagbibigay ng reward sa mga nagsasagawa ng kilalang “death squad” template sa Davao.

Dapat anilang managot si Duterte at ang kanyang mga pinagkakatiwalaang subordinates sa Gabinete at pulis sa “crimes against humanity.”

Anang Bayan, may sapat na ngayong ebidensiya na direktang mag-uugnay kay Duterte sa malagim na pamamaslang na nagdulot ng sindak sa mga komunidad ng maralitang lungsod.

Batid anila ng mga mamamayan na ang “deadly Duterte legacy” ay hindi limitado sa mga pagpatay na may kinalaman sa droga.

Binigyan diin ng Bayan na dapat ding tingnan ng imbestigasyon ang mga extrajudicial killings na naka-target sa mga aktibista, abogado, mamamahayag, manggagawa, magsasaka, Indigenous Peoples, at mga rebolusyonaryong lider.

Ang mga aktibistang ito at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao ay unang pinalabas na masama at ni-redtag ni Duterte bago sila naging biktima ng mga pamamaslang sa estilo ng Tokhang.

“Mayroon din bang sistema ng pabuya para sa mga sundalo at pulis na umaresto at pumatay sa mga tinatawag na “kaaway ng estado”? Ang “Davao template” ba ay pinagtibay sa pagpapakilos ng mga pwersa ng estado para i-target ang mga aktibista, kritiko, at pinaghihinalaang mga lider ng komunista?”

Nakakainis anila na sa halip na panagutin ang mga karumaldumal na krimeng ito, nagkaroon pa ng lakas ng loob si Duterte at ang kanyang mga kauri na hilingin sa publiko na ibalik sila sa kapangyarihan.

Dapat anila ay ginugugol ni Duterte at ng kanyang pangkat ang natitirang oras nila sa likod ng mga rehas at hindi humahawak ng mga posisyon sa pamahalaan kung saan maaari nilang gamitin ang pera ng mga nagbabayad ng buwis para gumawa ng higit pang mga kasinungalingan at krimen.

Kinokondena rin ng Bayan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na nakipagsabwatan kay Duterte sa pagtatago ng katotohanan at pagharang sa paghahangad ng hustisya nang maupo siya sa pagkapangulo.

Ang kanilang mga makasariling maniobra para mapagsama-sama ang kapangyarihan ay nagdulot ng kanilang tunggalian.

“Ito at ang patuloy na pagnanasa para sa katotohanan at pananagutan  ay nag-udyok sa iba’t ibang indibidwal na aminin ang kanilang mga krimen at ibunyag ang katotohanan tungkol sa mga kriminal na aktibidad sa ilalim ng Duterte presidency.”

“Ibinunyag ng nagaganap na quadcom hearings ang bulok na katangian ng politika ng Pilipinas na ang mga tulad ng isang kriminal na maton gaya ni Duterte at isang oportunistang anak ng isang diktador na tulad ni Marcos Jr ay maaaring makakuha ng kontrol sa burukrasya. “

Nananawagan ang Bayan sa pag-uusig at pag-aresto kay Duterte habang hinihimok ang mamamayan na ipagpatuloy ang paglaban para sa hustisya sa pamamagitan ng pagkondena sa drug war, brutal na counter insurgency program, at iba pang na-rebranded na anti-mamamayan na mga patakaran ng gobyernong Marcos Jr. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *