Mon. Nov 25th, 2024

📷Porferio Tuna Jr.

 

KINONDENA ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang rehimeng Marcos Jr sa  pag-aresto kay Porferio Tuna Jr., isang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines, noong Oktubre 2 sa Barangay Mankilam, Tagum City, Davao del Norte.

Si Tuna, 60 taong gulang, ay sinampahan ng mga kasong kidnapping, serious illegal detention, murder, robbery with violence, at attempted homicide. Idinadawit rin siya ni Maj Ruben Gadut, tagapagsalita ng 10th ID, sa mga armadong opensiba at atake ng New People’s Army -Southern Mindanao.

Ayon sa CPP, labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), ang pagdakip kay Tuna.

Ang JASIG, isang kasunduan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at NDFP,  ay naggarantiya sa kaligtasan ng lahat ng mga sangkot sa usapang pangkapayapaan. Ipinagbabawal nito ang surveillance at pag-aresto ng mga negosyador, konsultant at iba pang personnel. Pinirmahan ito noong Pebrero 24, 1995 sa ilalim ng rehimeng Ramos.

Nanawagan ang CPP sa rehimeng Marcos Jr. na igalang ang lahat ng karapatan ni Tuna, kabilang ang kanyang karapatan sa abogadong kanyang pinili, at agad siyang palayain.

Si Tuna ay nagsilbing konsultant ng NDFP sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa gubyerno ng Pilipinas noong 2016 sa Norway at nagbibigay ng mahalagang kaalaman sa Negotiating Panel ng NDFP tungkol sa sitwasyon ng mga magsasaka, manggagawa sa plantasyon, at mga minoryang grupo sa Southern Mindanao, upang epektibong katawanin at isulong ng NDFP ang kanilang interes sa pakikipagnegosasyon at pagbubuo ng kasunduan para sa komprehensibong repormang sosyo-ekonomiko.

“Ang pag-aresto at pagdetine kay Tuna ay malinaw na may layuning gantihan siya sa pagsisilbi bilang konsultant pangkapayapaan ng NDFP,” ayon kay Marco Valbuena, chief information officer ng CPP.

Hindi aniya ito nakatutulong sa pagpapalakas ng tiwala sa mga pagsisikap na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.

Binatikos ni Valbuena ang AFP at mga bayarang ahente nito sa panggigipit kay Tuna upang pilitin siyang talikuran ang kanyang mga prinsipyo at ang pambansa-demokratikong layunin ng bayan.

Isinailalim umano siya sa matinding sikolohikal na tortyur kung hindi susuko sa mga pasista

Tahasang pinagbantaan din aniya ng kontrarebolusyonaryong grupong Kalinaw-SEMR si Tuna na itinutulak nilang sumurender katulad nila. Anang grupo, kung hindi sumurunder si Tuna, maaapektuhan nito hindi lamang ang sarili “kundi maging sa buhay ng mga taong malalapit sa kanya.” Ang grupong ito ay binubuo ng mga nagtraydor sa masa at ngayo’y mga ahenteng militar na sina Arian Jane Ramos (aka Marikit), Ida Marie Montero (aka Mandy) at iba pa.

“Nanawagan kami sa lahat ng lokal at internasyunal na organisasyon para sa karapatang-tao, mga tagapagtaguyod ng kapayapaan at mga grupong demokratiko na tumulong upang tiyakin ang pagpapalaya kay Tuna, upang patuloy niyang gampanan ang trabaho bilang konsultant sa kapayapaan, at upang magsilbi sa bayan, lalo na sa mga manggagawa sa plantasyon at magsasaka sa rehiyon ng Davao,” pahayag ni Valbuena. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *