SABAY-sabay na isinigaw ito ng mga manggagawang pangkalusugan mula sa Health Alliance for Democracy, Alliance of Health Workers, Health Workers Partylist, at Filipino Nurses United sa isang pagkilos sa harap ng Philippine General Hospital ngayong araw bilang pagtutol sa muling paglipat ng P30 bilyon mula sa PhilHelath funds patungo sa Unprogrammed Appropriations.
Sinabi ni Robert Mendoza, first nominee ng Health Workers Partylist, na sa panukalang pambansang badyet sa 2025, nasa P94B lamang ang kabuuang badyet sa higit 80 DOH retained national & regional hospitals. Halos madodoble ang laang badyet sa mga pampublikong ospital kung dito ilalaan ang P89.9B.
“Malaking tulong sana ito sa pagsasaayos ng mga pasilidad, karagdagang medical supplies at equipments at mga gamot, pagbibigay ng nakabubuhay na sahod sa manggagawang pangkalusugan, benepisyo at pag-hire ng karagdagan at regular with Plantilla positions na mga health workers upang maibsan ang matinding understaffing at mapabuti ang serbisyo sa mga pampublikong ospital,” ayon kay Mendoza.
Ayon kay Alyn Andamo, senatorial candidate mula sa Koalisyong Makabayan, hindi tama, immoral at illegal ang paglipat ng P30 bilyon PhilHealth funds sa UA dahil ito’y hindi excess funds gaya ng ipinangangaandakan ni Finance Secretary Ralph Recto.
“Buwis pa rin ng tao yan, bakit inilipat sa national treasury at bakit inilipat sa unprogrammed appropriations? Magsisilbing pork barrel ito ng opisina ng presidente ng Pilipinas,” giit ni Andamo.
“Hindi makatarungan na namamatay ang maralitang Pilipino dahil hindi nakakabili ng sapat na gamot, hindi nabibigyan ng sapat na serbisyong pangkalusugan, marami ang hindi nakakarating sa mga ospital. Ang pera ng bayan ay dapat ilaan sa serbisyong panlipunan, kabilang ang serbisyong pangkalusugan,” dagdag niya.
Nanawagan naman ang HEAD sa Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order upang pigilan ang “raid” sa PhilHealth funds.
Nanindigan ang grupo na hindi dapat gamitin ito bilang pork barrel ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Hiniling ng HEAD na gamitin ang pondo para direktang tustusan ang public hospitals, public health facilities at services. (ROSE NOVENARIO)