NAGPAHAYAG ng pagkabahala si House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Party- list Rep. France Castro sa posibilidad na ginamit din ang intelligence and confidential funds ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang pabuya sa malawakang pagpatay hindi lamang sa madugong drug war kundi maging sa mga kritiko ng kanyang administrasyon.
Napuna ni Castro na sa unang dalawang taon ng administrasyong Duterte, ang confidential and intelligence funds ay P2.5 bilyon ngunit nang umigting ang pag-atake sa mga kritiko, ang pondo ay lumobo sa P4.5 bilyon.
Tinukoy ni Castro ang malaking alokasyon para sa intelligence and confidential funds sa Davao sa panahonng alkalde ng siyudad si Duterte at nagpatuloy noong ang kanyang mga anak na sina Sara at Sebastian ang naging mayor.
“Davao intelligence funds in 2011 were P109,500,000, in 2012 P113,000,000, in 2013 P115,000,000, in 2014 P120,000,000, and in 2015 P144,000,000,” sabi ni Castro.
“Noong 2016 pa lang sa Davao P144M na ang confidential funds nila hanggang umabot na sa P2.697 billion noong 2022. Humirit pa ng illegal na P125M na OVP confidential fund si VP Duterte. Mula 2016 hanggang ngayon nasa mahigit P3 billion na ang nakuha ni VP Duterte na confidential funds pero kahit anong patunay na nagastos ito ng tama ay wala tayo,” dagdag niya.
Binigyan diin ni Castro na ang P2.697 bilyong confidential funds mula 2016 hanggang 2022 para sa mayor ng Davao City ay mas napunta sana sa mabuti kung ginastos ito upang suportahan ang sektor ng edukasyon, lalo na kung ibinigay bilang allowance sa mga guro sa lungsod, P1,000 sa bawat 17,000 titser
“This funding could have greatly contributed to improving the quality of education by ensuring that teachers had access to essential teaching materials and resources, ultimately benefiting the learning experience of countless students, at least for Davao City,” ani Castro.
Batay sa testimonya ni ret. Col. Royina Garma sa Quadcomm hearing,na ang confidential funds ay ginugol bilang pabuya sa drug war extrajudicial killings.
Ayon kay Castro, ang confidential at intelligence funds ng Office of the President (OP) noong 2016 ay P500,000,000, noong 2017 ay P2,500,000,000, noong 2018 ay P2,500,000,000, noong 2019 ay P2,500,000,000, noong 2020 ay P4,500,000,000, noong 2021 ay P4,500,000,000, at noong 2022 ay P4,500,000,000.
Binigyan diin ng teacher-solon na sa mga panahong ito ay libu-libong katao ang pinatay sa ilalim ng pekeng drug war at daan-daan pang kritiko ng administrasyong Duterte ang pinaslang.
“Ang mga panahong iyon ang sunod-sunod ang mga raid sa mga opisina at tahanan ng mga progresibong organisasyon at indibidwal. Ito rin ang panahon ng sangkatutak na mga nanlaban daw sa mga pulis,” wika ni Castro kasabay ng panawagan ng masusing imbestigasyon sa paggamit ng mga naturang pondo na dapat ay tanggalin na dahil hindi malinaw kung saan ginagasta. (ROSE NOVENARIO)