NANGALAMPAG ang mga magsasaka, mangingisda ngayong World Food Day sa Department of Agriculture para ipakita na hindi epektibo ang mga patakaran at programa ng gobyernong Marcos Jr upang bigyang solusyon ang kagutuman na nararanasan ng mga Pilipino.
“Pangarap ng Pangulo na wala nang gutom na Pilipino sa 2027 subalit paano ito mangyayari kung puro palpak ang programa ng DA at gobyerno para pababain ang presyo ng bigas. Palaging magiging tinik sa dibdib ni Marcos Jr ang bigong pangako niyang ibaba sa P20 ang kada kilo ng bigas,” ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Batay sa Global Hunger Index, nakararanas ng MODERATE HUNGER ang Pilipinas. Ngayong taon, mas maraming pamilya ang nakaranas ng “involuntary hunger” na tumaas ng 14.2 percent sa unang kwarto ng 2024. Ang involuntary hunger ay pagdanas ng Gutom at kawalan ng akses sa pagkain minsan sa loob ng tatlong buwan.
Ayon sa KMP, dahil hindi kumikita ng sapat ang mamamayan, lalong tumataas ang tantos ng mga nagugutom at dumarami ang mga mahihirap. Dahilan din ng kagutuman ng masa ang napakamahal na presyo ng bigas na hindi pa rin abot-kaya ng masa at mga karaniwang manggagawa, magsasaka at maralita.
“Hindi abot kaya ang umiiral na P45 hanggang P55 kilo ng bigas para sa masa. Nangangako ulit ng DA na ibababa sa P43 kada kilo ng bigas, pero sa mga tindahan, ang P40 per kilo ay para na sa pangkain ng aso (dog rice). Ito ang gustong ipakain sa atin ng DA sa halip na bigyang solusyon ang matagal nang problema na presyo ng bigas,” ayon naman kay Cathy Estavillo ng grupong AMIHAN at Bantay Bigas.
Inalmahan din ng mga grupo ang patakarang importasyon na kinukunsinti ng DA na dahilan din kung bakit napakataas ng import dependency ng bansa o pag-asa sa mga imported na produkto. Sinabi ng KMP na mataas ang import dependency ng bansa sa bigas, bawang, sibuyas at iba pang gulay kahit na kaya naman itong likhain ng mga magsasaka.
Nasa 60% ng mga Pilipino ang nahihirapang makabili ng pagkain. Milyong kabataan naman na edad 0-5 ang underweight o kulang sa timbang habang napakaraming school-aged children na may edad 6-10 taong gulang ang nakakaranas ng malnutrisyon. Sa BARMM, nasa 10% ng mga bata ang nakakaranas ng wasting o pamamayat at mas mababa ang timbang kaysa sa height o taas ng bata.
“Maraming pamilyang Pilipino ang hindi na kumakain ng tatlong beses sa isang araw dahil sa kahirapan. Ito ang legasiya ni Marcos Jr — mas dumaraming mahihirap kahit pa bilyun-bilyon ang nakalaang badyet ng gobyerno para umano sa ayuda.”
Naninindigan ang KMP at mga grupo ng magsasaka sa buong bansa na kailangan ng buong suporta ng sektor ng agrikultura kabilang ang ayuda at subsidyo sa produksyon ng mga magbubukid.
Panawagan din ng mga magsasaka at mangingisda sa DA ang kumpensasyon sa mga nasirang pananim at nawalang kabuhayan dahil sa sunod-sunod na epekto ng mga kalamidad gaya ng El Nino at mga pagbaha.#