Mon. Nov 25th, 2024

GUSTO lamang guluhin ni Sen. Ronald ‘Bato” dela Rosa ang isinasagawang imbestigasyon ng House quad committee at maghasik ng fake news kaya nais niyang maglunsad ng drug war probe sa Senado, ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

“Sa tingin namin, gusto lamang guluhin ni Sen. Bato ang imbestigasyon na isinasagawa ng Quadcomm at maghasik ng fake news,” sabi ni Castro.

Naniniwala ang teacher-solon na ang panukalang Senate drug war probe ni dela Rosa ay may layuning ilihis ang katotohanan at kaduda-duda ang kanyang motibo lalo na’t isa ang senador sa pangunahing sangkot sa operasyon ng madugong kampanya kontra illegal drugs ng rehimeng Duterte.

“The sincerity and objectivity of this proposed investigation are in question, as it seems to serve as a diversion rather than a genuine effort to uncover the truth,” aniya.

“Ano yan? Inquiry in aid of legislation o gusto lang nyang pagtakpan ang pananagutan nya , ni Pres Duterte at iba pang may kinalaman sa EJKs? Bakit ngayon lang sila mag-iimbestiga? Di ba dapat may investigation o inquest ang bawat napatay sa war on drugs ni Duterte at noong PNP chief pa siya?”

Binigyan diin ni Castro ang kahalagahan ng integridad sa imbestigasyon ng lehislatura at nanawagan siya sa Kongreso na pagtuunan ang “transparent and impartial investigations” na may tunay na layunin na tugunan ang mga isyung may kaugnayan sa drug war sa halip na protektahan ang mga taong sangkot dito.

Iginiit din niya ang imbestigasyon ng lehislatura ay dapat totoong para sa pagbalangkas ng batas upang magbigay ng hustisya at pananagutan para sa sambayanang Pilipino. (ROSE NOVENARIO)

 

 

 

 

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *