PINAALALAHANAN ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) si Vice President Sara Duterte na kahit sa impiyerno at anoman ang kanyang relasyon sa pamilya Marcos, kailangan pa rin niyang ipaliwanag ang mga maanomalyang paggasta niya bilang bise president at kalihim ng Department of Education.
Inihayag ito ng Bayan kasunod ng pahayag ni Duterte na maaaring kaladkarin siya ng kampo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa impiyerno ngunit mananatili siyang hindi mapipigilan.
“We remind her that even in hell, and regardless of her relationship with the Marcoses, she still has to explain the anomalous expenses she made as vice president and education secretary,” anang Bayan sa isang kalatas.
Binigyan diin ng Bayan, ang mga pangyayari na nagbunsod sa kanya upang tumakbo bilang bise presidente ay walang kaugnayan sa kanyang obligasyon na sagutin ang maling paggamit ng confidential funds noong 2022 at 2023.
Anang grupo, lalo pang dinidiin ni Duterte ang sarili sa pamamagitan ng pag-amin na nakipagtulungan siya sa isang kandidato sa pagkapangulo na walang malaking platapormang maiaalok sa bansa.
Ngunit ang ganitong uri anila ng walang ingat na paggawa ng desisyon ni Duterte ay hindi nag-aabsuwelto sa kanya sa paggastos ng milyun-milyong piso nang walang wastong dokumentasyon.
“She further incriminates herself by admitting that she teamed up with a presidential candidate who had no substantial platform to offer to the nation. But this kind of reckless decision making doesn’t absolve her from spending millions of pesos without proper documentation.”
Giit ng Bayan, ang pulong balitaan ni Duterte ay may layuning ilihis ang atensyon ng publiko isang araw matapos ihayag sa isang pagdinig ng komite ng Kongreso na ang kanyang opisina ay gumawa ng mga hindi regular na gastos sa pamamagitan ng huwad na paggamit ng confidential funds.
Isang desperadong pagtatangka anila ito ni Duterte na lituhin ang publiko at iwasan ang pananagutan.
Ayon sa Bayan, dapat malaman ni Duterte na ang mabibigat na paratang na inihain laban sa kanya at ang kanyang mga kalokohan ngayon ay higit pang nagpapatunay sa kanilang paggigiit na ang isang impeachment trial ay kinakailangan upang mapilitan siyang sagutin ang maling paggamit ng pondo ng bayan.
“Duterte’s ploy is a desperate attempt to confuse the public and evade accountability. She must be made aware of the serious charges leveled against her and her antics today further confirm our assertion that an impeachment trial is necessary to compel her to account for the misuse of public funds,” anang Bayan. (ROSE NOVENARIO)