Mon. Nov 25th, 2024

📷Kabataan Partylist First Nominee Atty. Renee Co

NAGPAHAYAG ng pangamba ang Kabataan Partylist na mapunta lang sa korapsyon ang P1.3 bilyong pondong tinapyas sa Office of the Vice President kapag inilipat ito sa mga programang pang-ayuda.

“Bulnerable pa rin sa pangungurakot ang pondo ng bayan kung ililipat lang ang 1.3 bilyong piso mula sa OVP sa mga programang pa-ayuda. Kung nais nating magamit ang pondo nang mabuti, dapat ilagay ito sa mga programang direktang nagbibigay serbisyo sa mamamayan. Pondohan ang mga pampublikong ospital, kaysa papilahin na manlimos pa ng ayuda ang mga kababayan nating may sakit at nangangailangan,” sabi ni Kabataan Partylist First Nominee Atty. Renee Co.

Malaki aniya ang posibilidad na magamit ang pondo para sa eleksyon, magtanim ng utang na loob at magpabango ang mga politiko na kumokontrol sa pamimigay ng ayuda at medical assistance.

Mistula aniyang tinanggalan ng pondo si Vice President Sara Duterte para ilaan sa mga kandidato ng administrasyong Marcos Jr.

“Lalo na patungo tayo sa eleksyon, baka magamit pa ang pondo na ito para magtanim ng utang na loob at magpabango ang mga pulitiko na kumokontrol sa pamimigay ng ayuda at medical assistance. Parang inalisan ng pondo si Sara Duterte para lang mamolitika ang karibal nitong mga kaalyado ni Marcos,” giit ni Co.

Kung ang P1.3 bilyon ay ilagay para mabawasan ang P14.4 bilyong budget cut na nakaamba sa state universities and colleges (SUCs) na kapos sa maaayos na sild-aralan, pasilidad at Wi-Fi.

Ito aniya ang dahilan sa maigting na panawagan ng Kabataan na buwagin na iba’t ibang anyo ng pork barrel gaya ng confidential at intelligence funds, pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at sorang pondo sa ayuda.

“Malaking bagay kung ang 1.3 bilyong piso ay magamit para mabawasan ang 14.4 bilyong budget cut na hinaharap ng mga state universities and colleges na kulang na kulang pa sa de kalidad na classroom, pasilidad, at kahit Wi-Fi. Kaya dapat buwagin na ang iba-ibang anyo ng pork tulad ng confidential and intelligence funds, pondo ng NTF-ELCAC, at labis-labis na pondo sa ayuda,” wika ni Co.(ROSE NOVENARIO)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *