Mon. Nov 25th, 2024

📷Senate President Francis “Chiz” Escudero

 

Ang Senate blue ribbon committee ang napili ng mga senador na mag-iimbestiga sa madugong drug war na ipinatupad ng administrasyong Duterte.

Sinabi ni Senate President Chiz Escudero sa panayam sa DZBB na kasama sa mga pumayag sina Senators Ronald “Bato” dela Rosa at Bong Go.

Hiniling nina Dela Rosa at Go na magsagawa ang Senado ng parallel investigation sa pagsisiyasat ng House Quad Committee (QuadComm).

Ayon kay Escudero si Senate Minority Leader Koko Pimentel ang mangunguna sa subcommittee ng Committee on Accountability of Public Officers and Investigations (blue ribbon) bunsod ng abala si Sen. Pia Cayetano.

Napili aniya ang  blue ribbon committee na maglunsad ng imbestigasyon dahil ito ang maaaring gumawa ng motu proprio investigation habang nasa recess ang Kongreso.

Nais ni Escudero na isagawa ang pagdinig habang naka-recess ang Kongreso at ang Senado ay abala sa deliberasyon sa national budget at iba pang usapin kapag nagbalik ang regular session sa Nobyembre 4.

Naghain si Go ng Senate Resolution No. 1217 na nag-aatas sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na magsagawa ng imbestigasyon “in aid of legislation” kaugnay sa kampanya laban sa illegal drugs ng administrasyong Duterte.

Para kay Sen. Risa Hontiveros, dapat ay Committee of the Whole ang magsiyasat sa drug war.

“Of course,  ‘yung Senate blue ribbon committee ang kumbaga pinaka-komite ng aming mga komite. Pero siyempre wala nang hihigit sa Senate Committee of the Whole…Magpapakita ito ng importansya na ibinibigay ng Senado sa napakahalagang isyu na ito. Tinututukan na nga ng QuadComm at hindi lang ng isang komite sa House,” sabi ni Hontiveros sa isang virtual press conference noong Biyernes.

Kaugnay nito, maaaring maglabas na ng partial committee report ang House QuadComm hinggil sa imbestigasyon nila sa Duterte drug war, ayon kay Surigao del Norte Rep. Ace Barbers.

Kasama aniya sa report ang isang rekomendasyon na sampahan ng mga kasong kriminal ang mga taong sangkot sa pagpatay sa mga drug suspects at personalities.

Naniniwala si Barbers na ang parallel investigation ng Senado sa drug war killings noong administrasyong Duterte ay magiging kapaki-pakinabang lamang kung may mga bagong testigong lalabas.

“We welcome the proposal of having a parallel Senate inquiry, but what is more important here kung meron mga bagong mga witnesses na haharap at magbibigay ng mga bagong pahayag. Well and good ‘yan (parallel inquiry) kasi naka-align ‘yan sa objective at layunin ng QuadComm na maglabas talaga ng katotohanan,” ayon kay Barbers. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *