Mon. Nov 25th, 2024

KABADO si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magtakda ng pamantayan na puwedeng mapanagot ang dating pangulo sa mga kasalanan sa bayan kaya hindi nakikipagtulungan ang kanyang administrasyon sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Hindi nila magawang mapanagot si Duterte mismo dahil ayaw nilang magkaroon ng pamantayan na pwede palang mapanagot ang isang dating pangulo sa mga krimen na ginawa niya habang nasa posisyon. Kung mapanagot si Duterte, baka sumunod na si Marcos Jr. mismo. Ayaw nila bigyang daan ito,” ayon kay Kabataan Partylist First Nominee Atty. Renee Louise Co.

Naniniwala ang Kabataan Partylist na ang pagpabor ng Malacañang na muling buksan ang ilang kontrobersyal na kaso ng extrajudicial killing cases ay isang palabas lamang habang binabalewala ang nalantad na sistematiko ang patayan sa ipinatupad ng drug war ng administrasyong Duterte, batay na rin sa rebelasyon ni ret.police Col. Royina Garma sa pagdinig sa House quad committee.

Maaari lamang makamit ang hustisya, ani Co, kung ang mga lumikha at nagpatakbo sa sistema ay mapanagot at hindi lamang ang mga indibidwal na nagpatupad ng utos.

Giit niya, ang pagtutok nang hiwalay sa high-profile cases ay magsisilbi lamang para patagalin at pag-usapan lalo ang isyu sa halip na tugunan ang problema.

“Ibig sabihin ba nito hindi kinikilala ng Marcos Jr. administration na sistematiko ang pagpatay sa ilalim ng drug war? Na nagkataon lang at hindi inutusan o pinondohan ng gobyerno na mangyari ang pamamaslang? Mainam namang buksan muli ang ilang high-profile cases, pero higit pa sa pagpapanagot ng mga tauhan, kailangan panagutin ang punong abala – sina Rodrigo Duterte, Bato dela Rosa, Bong Go at iba pa,” wika ni Co.

“Kung hindi mapapanagot ang mga mastermind, pampabango lang ito ni Marcos Jr. para may maiharap siyang mukha sa international community at kaugnay niyang dayuhang mga negosyante. Hindi ito para makamit ang hustisya para sa lahat ng biktima. Dapat makipagtulungan na sila sa ICC o kung hindi man, seryosong itrato ito bilang crime against humanity sa sarili nating mga batas at proseso,” dagdag niya. (ZIA LUNA )

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *