MARIING kinondena ng ACT Teachers Partylist ang pag-aresto sa 29 Mangyan Iraya, kabilang ang 17 matatanda at 12 menor de edad, na mga residente ng Hacienda Almeda sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro.
Ayon sa mga ulat, bahagi ang 31-ektaryang Hacienda Almeda ng ancestral domain ng mga Iraya na inaangkin ng pamilyang Almeda kasama ang Pieceland Corporation.
Base sa ulat ng mga dinakip na katutubo, kararating lamang nila mula sa kanilang trabaho nang sapilitan silang dinampot ng pitong private goons at apat na unipormadong mula sa Police Regional Mobile Group.
Sinabi ng grupong Mindoro Youth for Environment and Nation (MYEN), hindi ito ang unang insidente na nakaranas ng pandarahas ang mga katutubo.
Isa lamang anila ang pandarahas na naranasan ng mga katutubong Iraya sa libo-libong kaso ng pandarahas sa mga katutubo upang agawin ang kanilang lupang ninuno.
Kinuwestiyon ni ACT Teachers Partylist Rep. at Makabayan Coalition senatorial bet France Castro na sa kabila ng mga hindi mabilang na kaso ng pag-atake ay malinaw na nagiging tulay ang pagiging walang kibo ng estado sa pagpapadulas ng mga pribadong kompanya na itulak ang kanilang interes sa pagsasapribado ng mga lupang ninuno.
Nakikiisa ang ACT Teachers Partylist aniya sa panawagan para sa agarang pagpapalaya ng mga hinuling katutubong Iraya.
“Dapat ipakita ng gobyerno ang tunay na pagsisilbi sa mamamayan sa pamamagitan ng pagtatanggol sa karapatan ng mga katutubo at hindi sa pagtataguyod ng interes ng iilan,” giit ni Castro.
Nanawagan ang partido sa kinauukulan na itigil na ang patuloy na pananakot at panggigipit sa mga komunidad ng katutubo at pakinggan at pahalagahan ang boses nila na siyang tunay na tagapangalaga ng lupang ninuno at igalang ang kanilang karapatan sa sariling pagpapasya. (ROSE NOVENARIO)