Mon. Nov 25th, 2024

📷Ang paglagda ng mga kinatawan ng GRP at NDFP sa Joint Statement noong Nobyembre 23,2024 sa Oslo, Norway na nagsaad na nagkasundo ang dalawang panig sa isang “principled and peaceful resolution of the armed conflict resolving the roots of the armed conflict and ending the armed struggle.”

 

HINDI nakakatulong sa pagbuo ng tiwala sa negosasyong pangkapayapaan at naglalagay ng seryosong pagdududa sa mga intensiyon ng gobyerno ng Pilipinas hinggil sa negosasyong pangkapayapaan ang pag-aresto sa dalawang consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sinabi  ito ni Marco Valbuena, Chief Information Officer ng Communist Party of the Philippines (CPP), kasunod ng pagdakip kay  Simeon “Ka Filiw” Naogsan, tagapagsalita ng Cordillera People’s Democratic Front at isang kilalang consultant ng National. Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan ngayon sa Ilocos Norte.

Dalawang linggo lamang ang nakalipas ay dinakip din ang isa pang NDFP peace consultant na si Porferio Tuna sa Tagum City, Davao del Norte.

Ani Valbuena, kinondena ng CPP ang rehimeng US-Marcos at ang mga pasistang ahente nito para sa pag-aresto at pagkulong Ka Filiw na ang layunin ay parusahan siya sa paglilingkod sa malawak na masang manggagawa, magsasaka, mamamayang minorya at iba pang aping uri at sektor lalo na sa rehiyon ng Ilocos-Cordillera.

Bilang tagapagsalita aniya ng CPDF, aktibong itinulak ni Ka Filiw ang tunay na awtonomiya at pagpapasya sa sarili ng mga mamamayan ng Cordillera, na ang mga karapatan ay patuloy na walang habas na nilalabag.

“Tutol siya sa rehimeng Marcos sa pagsisilbing tagapagtanggol ng dayuhan at lokal na malalaking interes ng negosyo, lalo na sa mga kumpanya ng pagmimina at mga kumpanyang imprastraktura, na nanloob sa mga bundok at ilog ng Cordilleras,” sabi ni Valbuena.

Batay sa ulat naaresto si Ka Filiw alas-5 ng umaga ngayong araw sa Ilocos Norte at dinala sa Baccara Municipal Police Station.

“Sa paglabag sa kanyang mga legal na karapatan, siya ay kinuha mula sa municipal jail ng mga ahente ng militar at dinala sa isang hindi natukoy na lokasyon, kung saan siya ay posibleng sumailalim sa tortyur,” ani Valbuena.

Hinihiling ng CPP na igalang ang mga karapatan ni Ka Filiw at agad siyang palayain at ibigay sa kanya ang kanyang karapatan sa independiyenteng tagapayo, gayundin sa isang doktor na kanyang pinili.

Si Ka Filiw ay 72 taong gulang at dumaranas ng acute diabetes, hypertension at osteoarthritis. Siya ay nasa furlough para humingi ng medikal na atensyon.

Nanindigan ang CPP na ang pag-aresto kay Ka Filiw ay isang walang pakundangan na paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) sa pagitan ng NDFP at ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP), na nagpoprotekta sa mga consultant at tauhan ng kapayapaan mula sa mga aksyon ng paghihiganti ng magkabilang panig.

Noong nakaraang buwan ay sinalungat ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr ang naging pahayag ni National Security Adviser Eduardo Año na hindi niya nakikitang matutuloy ang usapang pangkapayapaan.

Sa isang press briefing sa Palasyo ay kinompirma ni Galvez na nagpapatuloy ang exploratory talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at NDFP at “very optimistic” o positibo aniya ang rehimeng Marcos sa pagtutuloy ng usapan.

Dahil dito’y inihayag ng CPP na animo’y nag-uurong-sulong ang GRP sa komitment nito sa usapan.

“Sa isang presss conference noong Agosto 19, sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na hindi niya nakikitang matutuloy ang usapang pangkapayapaan dahil sa aniya’y “pagtutol sa lokal na antas” laban sa pagtatakwil sa armadong pakikibaka,” sabi ng CPP sa isang kalatas.

Anang CPP, kinondena ng mga rehiyunal na opisina ng NDF at mga command ng New Peoples’s Army ang pahayag na ito, at tinawag si Año bilang numero unong tagasabotahe ng usapan.

Binatikos din ng CPP ang layunin ng rehimeng US-Marcos na pasukuin ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng usapan.

Pinabulaanan ng partido ang paratang ni Año na “di nagkakaisa” ang mga rebolusyonaryong pwersa, at sinabing nagkakaisa ito mula pambasang pamunuan hanggang sa mga pinakabatayang organisasyon sa lokalidad sa pagpasok at paglahok sa peace talks. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *