Mon. Nov 25th, 2024

Ang pagtindig para sa karapatan pantao ay hindi terorismo. Ang pagtuturo sa mga mahihirap na mga magsasaka, katutubong mamamayan at iba pang mga mamamayan ng Cagayan Valley ng kanilang mga batayang karapatan, ay hindi terorismo.

Kinukundena ng Karapatan-Cagayan Valley ang pagsasabit ng redtagging tarapaulin ng NTF-ELCAC/ RTF-ELCAC sa Cagayan province laban kay Agnes Mesina.  Inihanay si Mesina sa mga diumanong “kriminal na terorista” at nilagyan ng P300,000 libong reward.  Ito ay para gawing kapani-paniwala ang mga gawa-gawang kaso isinampa laban kay Mesina.  Inilagay ng NTFELCAC at lokal nitong mga ahensya, sa panganib ang buhay ni Mesina, pati na ang kanyang mga kapwa human rights defenders at kapamilya.  Bakit?  Para saan at para kanino?

Ginagawa ng NTFELCAC na katatawanan ang 1987 Constitution ng Pilipinas at maging ang kanilang mga sarili na tinatawag na mga mamamayang Pilipino.

Nakilala si Agnes Mesina sa pagiging aktibo bilang kinatawan ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP) sa alyansa para sa pagpapatigil ng blacksand mining sa Cagayan province, sa pagbubuo ng alyansa ng  mga makakalikasam sa Nueva Viscaya upang pigilan ang pandarambong ng limang (5) mga malalaking dayuhang minahan.  Bahagi si Mesina sa kampanya laban sa korupsyon sa pork barrel, pagtataguyod ng karapatan sa pag-oorganisa ng mga publc school teachers at paggigiit sa karapatan sa pagkilala sa lahat ng mga naging biktima ng Martial Law sa Cagayan Valley. Sa panahon ng mga kalamidad at ng pandemya, kasa-kasama si Mesina sa mga relip mission sa mga baryong apektado. Para sa pagtindig sa mabuting pamamahala aktibong nangampanya si Mesina para sa oposisyong Leni-Kiko noong Presidential election ng 2022.  At nitong 2023 sa gitna ng matinding kahirapan ng maraming magsasaka nagsikap para kampanya ng “Pagkain sa Mesa”.

Ipinagkakamali ng mga nasa gobyerno na ang pag-organisa, pagpapahayag at pagtutol sa mga hindi nakabubuting mga patakaran nito ay terorismo.  Ang administrasyon ni Pres Marcos Jr ay  presidente para sa 115M na mga Pilipino, hindi lang ng 27% na bumoto sa kanya.  Bakit ginagamit ang mga baril, kulungan at korte para pasunurin ang mas maraming 70% na mamamayan?  Gamit ang buwis ng taumbayan pinakawalan na asong nauulol ang ntf-elcac mula pa kay Duterte hanggang ngayon para sa paninira at panggigipit sa mga aktibista upang sa dulo ay dukutin, pahirapan, at brutal na patayin.  Iyan ang terorismo.

Panawagan sa mamamayan ng Cagayan Valley at iba pang mamamayang Pilipino, manindigan tayo para sa karapatan pantao.  Maging kritikal, magsuri at makisangkot.  Huwag magsawalang-kibo. Magpahayag tayo, mag-organisa, tumutol kung kinakailangan.#

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *