Fri. Nov 1st, 2024

📷Ret. police Col. Edilberto Leonardo

 

KINOMPIRMA ni ret. police colonel Edilberto Leonardo ang reward system sa ipinatupad na madugong drug war ng rehimeng Duterte.

Inihayag niya ito sa ginanap na pagdinig ng House quad committee kagabi bilang tugon sa tanong ni Manila Rep. Bienvenido Abante.

“Do you believe that there is a reward system?” usisa ni Abante kay Leonado.

“Yes, Mr. Chair,” sagot ni Leonardo at kalauna’y sinabi niya na wala siyang personal na karanasan at ang kanyang tugon ay base sa mga narinig niya mula sa mga kapwa pulis .

Unang isiniwalat noong Oktubre 11 ni ret. police Col. Royina Garma na kinontak siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong May 2016 hinggil sa pagtatag ng isang task force para magpatupad ng drug war sa pambansang antas, gamit ang “Davao model.”

Ang Davao model ay tumutukoy sa isang payment system na nagbibigay ng pabuya sa mga kalahok sa drug war na nakapatay, pagpondo sa mga operasyon at ibinabalik ang ginugol sa operasyon.

Ipinaliwanag ni Garma na ang Davao model ay nag-aalok ng cash incentives mula P20,000 hanggang P1 milyon para sa mga pulis na makakapatay ng drug suspects.

Ayon kay Garma, partikular na ipinahanap ni Duterte na mamumuno sa task force ay isang miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC), kaya’t inirekomenda niya si Leonardo.

Sinabi ni Garma na kay dating special assistant at ngayo’y Senator Bong Go na nagreport si Leonardo hinggil sa direktiba ni Duterte.

Sa kanyang second affidavit kagabi ay kinompirma ni Garma ang pagkakaroon ng Davao Death Squad na sinuportahan naman ni Leonardo.

Ngunit nanindigan si Leonardo na nagsumite lamang siya ng plano sa war on drugs pero hindi raw naaprubahan at pag-upo aniya ni PNP chief Bato dela Rosa ang ipinatupad ay ang Oplan Double Barrel.

Itinanggi rin niya na siya ang tagapamudmod ng reward sa mga pulis na kalahok sa drug war.

Inamin ni Leonardo na na itinalaga siya sa Criminal Investigation and Detection Group sa   Davao Region para i-validate ang impormasyong may kinalaman sa drug war para kay Senator Bong Go, na direktang nag-ulat kay Duterte. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *