📷Si Rowena Dasig (gitna) kasama ang kanyang mga abogado. | Kodao Productions
NATAGPUAN na si Rowena Dasig, ang aktibistang nawala sa  loob ng dalawang buwan matapos umano’y makalaya mula sa Lucena City District Jail (LCDJ).
Ayon sa human rights group Karapatan Southern Tagalog, kapiling na ni Dasig ang kanyang mga kaibigan at legal team at sumasailalim sa debriefing ng kanyang mga abogado sa pangunguna ni dating Ateneo Law School Dean Antonio La Viña.
Sinabi ng mga opisyal ng LCDJ, pinalaya nila si Dasig noong 22 Agosto 2024 matapos ipagkaloob ng Gumaca (Quezon) Regional Trial Court Branch 172 ang hiling na demurer to evidence petition nina Dasig at kapwa akusado niyang si Miguela Peñero.
Kinuwestiyon ng Karapatan Southern Tagalog ang pagpapalaya kay Dasig dahil ito’y irregular at kaduda-duda dahil hindi naimpormahan ang kanilang mga abogado.
Nang araw na umano’y nakalaya si Dasig ay nawala siya.
Hindi muna inanunsyo ng Karapatan Southern Tagalog kung paano natagpuan si Dasig pati ang mga sirkumstansya hinggil sa kanyang pagkawala habang hindi pa lumalabas ang resulta ng debriefing sa kanya ng mga abogado niya.
Gayonman, nagpahayag ng intensyon si Dasig na ituloy ang paglahok sa kampanya para sa proteksyon ng kalikasan pati ang pagpapalaya sa mga detenidong politikal at mga biktima ng terorismo ng estado.
Matatandaan dinakip sina Dasig at Peñero ng pinagsanib na puwersa ng 2nd Quezon Provincial Mobile Force, ng 85th Infantry Battalion at ng 201st Infantry Brigade ng Philippine Army noong 12 Hulyo 2023 sa Atimonan, Quezon.
Inaresto sila habang nag-iimbestiga sa posibleng epekto ng panukalang pinagsamang cycle gas turbine power project at isang liquefied natural gas (LNG) terminal plant sa komunidad.
Nilooban ng mga arresting officer ang bahay ng dalawa, walang dalang warrant at nagtanim pa ng mga bala at pampasabog na kalauna’y isinumite bilang mga ebidensya sa mga gawa-gawang kaso.
Giit ng human rights group, ang mga yunit ng Philippine Army ay dapat managot pati ang LCDJ na nakipagsabwatan para sapilitang mawala si Dasig.
Sa isang hiwalay na kalatas, sinabi nina La Viña at kapwa abogado at dating Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na balak nilang sampahan ng kaso ang mga opisyal ng LCDJ.
Giit nila, tumanggi ang mga opisyal ng LCDJ na palayain si Dasig noong Agosto 13 kahit kompleto ang release papers, iyon pala’y makikipagsabwatan sa pagkawala niya makaraan ang isang linggo.
Nasa bilangguan pa rin si Peñero sa Batangas City Provincial Jail na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act.
Ang patuloy na pagpiit sa kanya ay naglalagay sa panganib sa kanyang kalusugan lalo na’t mayroon siyang parotid gland cancer, chronic lumbar pain, at hyperthyroidism kasunod ng isang total thyroidectomy. (ROSE NOVENARIO)