📷 Kodao Productions
Sa gera laban sa insurhensya ng rehimeng Duterte, ako – si Rossine Enyong, 53 taong gulang – ay iligal na dinakip, at patuloy ngayong ikinukulong.
Sa gera laban sa insurhensya ng rehimeng Marcos Jr., ang aking anak – si Lyngrace Marturillas, 29 taong gulang – ay dinagit at patuloy ngayong sapilitang iwinawala.
Ang aking anak na si Lyngrace ay katulad ko at ng iba pang myembro ng aking pamiya at komunidad – aktibista. Nagsimula akong kumilos noong dekada ’80, sa Guihulngan City, Negros Oriental, bilang kasapi ng Gagmay’ng Kristohanong Katilingban (o Basic Christian Community) at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Si Lyngrace naman ay nagsimula bilang isang aktibistang pangkultura, pangunahin bilang mang-aawit at tagapagtanghal sa mga rali at iba pang aktibidad ng KAUGMAON-KMP.
Matapos ang lampas 10 taon ng buong-panahong pagkilos, noong Abril 19, 2023, dinagit si Lyngrace kasama ng dalawang habal-habal drayber sa national highway sa hangganan ng La Carlota City at Hinigaran, dito sa Negros Occidental. Sila at ang ikaapat nilang kasama – si NDFP peace consultant Rogelio Posadas – ay sapilitang isinakay sa isang puting van ng mga nakasibilyang di-nakikilalang mga armadong lalaki. Habang si Posadas ay patay na inilitaw ng sumunod na araw ng 62nd Infantry Battalion bilang kaswalti umano sa isang armadong labanan sa NPA, ang aking anak at ang dalawang habal-habal drayber na sila Renel de los Santos at Denald Mialen ay patuloy na iwinawala.
Kaming mga bilanggong pulitikal ng isla ng Negros ay nag-fasting protest na noong nakaraang taon upang ipanawagan ang pagpapalitaw sa aking anak at kanyang mga kasamahan. Pumunta na rin dito sa aking kinapipiitan ang Commission on Human Rights upang umano’y mag-imbistiga.
Ito at ang iba pang pagpupunyagi upang ipalitaw si Lyngrace at ang iba pang mga biktima ng sapilitang pagkawala ay patunay lamang sa pangangailangang higpitan pa ang ating pagkakaisa, at ipagpatuloy ang pakikibaka para sa hustisya at akawntabilidad sa ating lipunan. Nawa’y huwag nating hayaang mabaon sa limot ang mga sakripisyo ng ating mga mahal sa buhay, mga mahal na kasama, mga katuwang sa pakikibaka.
Singilin ang mga salarin sa sapilitang pagkawala ng ating mga kaanak!
Hustisya para sa lahat ng biktima ng pasismo!
Mabuhay ang mamamayang nakikibaka!
Rossine Enyong
Bilanggong Pulitikal sa Negros Occidental District Jail (NODJ) – Female Dorm
Bago City, Negros Occidental
Nobyembe 2, 2024