Fri. Nov 22nd, 2024

HINAMON ng Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI) ang administrasyong Marcos Jr. na ilantad at kondenahin ang “hawks and hardliners” na nagtataguyod ng “all-out war approach” sa armadong tunggalian  na salungat sa mga pahayag ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mismo hinggil sa usapang pangkapayaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sinabi ng CLPI, isang grupo ng mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, na malinaw na may mga elemento sa administrasyong Marcos Jr. na nagsisikap na hadlangan ang anumang pag-usad tungo sa permanenteng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng NDFP.

Umapela ang grupo kay Marcos Jr. na pigilan ang mga nananabotahe at ulitin ang pangako ng kanyang administrasyon na magtrabaho tungo sa isang kasunduan sa kapayapaan.

Nanawagan din ang CLPI sa gobyernong Marcos Jr. na palayain ang lahat ng mga consultant ng NDFP bilang isang tuntungan sa pagbuo ng tiwala sa patuloy na pagsisikap na buhayin ang pormal na negosasyong pangkapayapaan.

Sinabi ng CLPI na ang pag-aresto kina Porferio Tuna, Simeon Naogsan at Wigberto Villarico noong nakaraang buwan ay maaaring makadiskaril sa pag-usad at maaaring magresulta sa pag-abandona sa proseso.

“Such arrests have a chilling effect on the peace process and erodes the trust that is so necessary to move forward to fulfill the promise made with on what the Oslo statement promised,” ayon kay CLPI lead convenor at dating Ateneo Law School Dean Antonio La Viña.

Sa Nobyembre 23 ay ang unang anibersaryo ng paglagda ng NDFP at ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa Oslo Joint Statement na nag-anunsyo ng mga patuloy na dayalogo upang muling buhayin ang mga negosasyon.

“That gave the country hope that we will be able to finally achieve a just and lasting peace of a conflict, rooted in legitimate socioeconomic and political grievances, that has gone on for decades,” sabi ng CLPI.

Dapat anilang palayain ng GRP sina Tuna, Naogsan at Villarico na, tulad ng inihayag ng NDFP, ay mga peace consultant na protektado ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

Nanawagan din ito sa mga partido na sumulong sa exploratory talks at magkasundo sa balangkas para sa negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP.

“It is most urgent for them to agree soonest on confidence and trust building measures, including temporary ceasefires, and protection protocols and mechanisms for all participants in the process,” anang grupo.

Sinabi ng CLPI na pinagtitibay nito ang kanilang tiwala sa patuloy na proseso ng discreet talks sa ilalim ng pamumuno ng Royal Norwegian Government.

Pinanghahawakan ng CLPI ang paniniwala sa katapatan ng dalawang partido sa pagtataguyod ng mahirap ngunit kinakailangang daan patungo sa kapayapaan. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *