đź“·Ang anunsyo ng Phil. Army sa umano’y encounter sa NPA.| 202nd Infantry “Unifier” Brigade, Philippine Army Facebook page
NAGKASAGUPAAN ang dalawang yunit ng 202nd Infantry Brigade ng Philippine Army sa Barangay Llavac, Real, Quezon noong Disyembre 2 taliwas sa ulat ng militar na naka-engkuwentro nila ang isang grupo ng New People’s Army.
Inihayag ito sa isang kalatas ng Communist Party of the Philippines (CPP).
“Nagkasagupaan ang dalawang yunit ng 202nd IBde sa Barangay Llavac, Real, Quezon noong Disyembre 2 dahil sa napakalaking pwersang ipinakat nito para sa focused military operation sa naturang bayan,” sabi ni Ka Eliza Dela Guerra, tagapagsalita ng NPA-North Quezon.
“Demoralisado ang mga sundalo ng 202nd IBde dahil pagod na nga sa walang tigil na pagsugsog sa kagubatan at kabundukan, ay nakasagupa pa nila ang mga kapwa sundalo,” dagdag niya.
Aniya, sa kahihiyan, pekeng pinalabas ng militar na isang yunit ng NPA-Quezon ang kanilang nakalaban.
Kinompirma na rin aniya ng ulat ng hukbong bayan na wala silang yunit na nakasagupa ng mga sundalo sa araw na iyon.
“Patuloy na panlilinlang ang ginagawa ng yunit ng 202nd IBde sa bayan ng Real upang bigyang katwiran ang kanilang kabuktutan ng walang tigil na operasyon sa Real,” pahayag ni Dela Guerra.
Sa paskil ng 202nd Infantry “Unifier” Brigade, Philippine Army Facebook page noong Disyembre 1 ay nakasaad :
“Nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga sundalo ng 202nd Infantry (Unifier) Brigade at ng mga miyembro ng Komunistang Teroristang Grupo sa So Gitna, Barangay Llavac, Real, Quezon. Ang insidenteng ito ay bahagi ng patuloy na operasyon ng hukbong sandatahan upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Manatiling nakaantabay para sa mga susunod pang mga detalye ukol sa balitang ito.”
Walang anomang update ang naturang FB page hinggil sa naturang “engkuwentro.”
Para kay Dela Guerra, hindi na bago sa mga taga-Quezoon ang umano’y pagpapakalat ng kasinungalingan ng 202nd IBde dahil ginawa na nila ito noong 2023.
“Liban dito, tuluy-tuloy ang panlilinlang ng mga sundalo sa mga residente ng barangay Lagpan at Poblacion Uno at pagpapakalat ng kwento na mayroong mga Pulang mandirigma na nakita malapit sa kanilang kampo. Nag-eskandalo pa sila nang ipinabuhay ang mga CCTV sa lugar upang diumano’y makuha kung saan nagpunta ang sinasabing mga kasapi ng hukbo,” sabi ni Dela Guerra.
May isang buwan na aniya ang inilunsad na operasyon ng 202nd IBde sa Real at mga karatig bayan nito na nagdulot ng ligalig at takot sa mga mamamayan.
“Naitala sa panahong ito ang mga kaso paglabag sa karapatang-tao tulad ng iligal na panghahalughog, harasment, pagbabanta, red-tagging at iba pa. Ang sigaw ng taumbaryo: Layas militar!”
Nanawagan si Dela Guerra sa mga residente ng Real na patuloy na ilantad ang nagaganap na militarisasyon at kaugnay na kasinungalingang nilulubid ng AFP.
“Higit pa rito, dapat ilantad at tutulan ng mamamayan ng Real ang pananatili ng mga militar sa kanilang lugar na nagbibigay-daan para sa mga paglabag sa karapatang-tao,” sabi pa niya. (ROSE NOVENARIO)