Tue. Dec 17th, 2024

HINDI magdedeklara ng tigil-putukan ngayong Kapaskuhan ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).

Sa panayam ng alternative news site na kodao.org kay CPP information officer Marco Valbuena, sinabi niya na ang isang Christmas-New Year truce ay pinipigilan ng “walang humpay na digmaan ng panunupil, mga nakakasakit na operasyong militar at pagpapataw ng batas militar sa kanayunan” ng gobyernong Marco Jr.

“In its desperation to crush the people’s resistance, the AFP (Armed Forces of the Philippines) is presently undertaking military operations across the country against the Party and NPA,” ani Valbuena.

Naging tradisyon ang deklarasyon ng ceasefire ng CPP-NPA at ng pamahalaan ng Pilipinas bilang paggunita sa Kapaskuhan na karaniwa’y tumatagal ng halos isang linggo, mula Disyembre 24 hanggang Enero 1 ng susunod na taon.

Saklaw ng deklarasyon ang pagdiriwang ng anibersaryo ng CPP sa Disyembre 26.

Matatandaan, tumanggi ang gobyernong Marcos Jr. na tumbasan ang idineklarang unilateral ceasefire ng CPP noong 2023 at sa halip ay naglunsad ng brutal na pagsalakay noong Araw ng Pasko sa kampo ng NPA sa Bukidnon.

Tumagal ang pag-atake hanggang Disyembre 26 na ikinamatay ng 10 miyembro ng NPA, batay sa ulat ng CPP.

Sa unang bahagi ng 2024, nangako ang security officials ng gobyerno na “istratehikong talunin” ang NPA sa pagtatapos ng taon.

 

Kung ‘huminang puwersa’ na lamang ang NPA, bakit may ‘martial law’ sa kanayunan?

 

Pinasisinungalingan ng malakihang pag-deploy ng militar at mga opensiba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lahat ng rehiyon ng bansa ,ang “katawa-tawang” pahayag nito na ‘huminang puwersa’ na larangang gerilya na lamang ang NPA, ayon kay Valbuena.

Binigyan diin ni Valbuena na imbes pahinain ang NPA, ang gobyernong Marcos at ang sandatahang lakas ay nagpataw ng virtual martial law sa maraming liblib na mga baryo sa ilang probinsya sa buong bansa.

Kabilang sa mga lalawigang may nakatutok aniya na operasyong militar ang Ilocos Norte, Abra, Kalinga, Cagayan, Isabela, Bulacan, Aurora, Laguna, Quezon, Mindoro Oriental, Mindoro Occidental, Camarines Norte, Albay, Sorsogon, Masbate, Capiz, Aklan, Negros Occidental, Negros Oriental , Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Surigao provinces, Agusan provinces, Bukidnon, Davao del Norte, at ang mga lalawigan ng Lana.

“This war of suppression being waged by Marcos and the (AFP) is characterized by wanton violation of political and civil rights, as well as of international humanitarian law,” dagdag ni Valbuena.

Sinabi ng opisyal ng CPP na ang sitwasyon ay nag-uudyok sa NPA na ipagpatuloy ang paglulunsad ng armadong paglaban sa pagtatanggol sa mamamayan.

Giit ni Valbuena na abala rin ang CPP at NPA sa paghahanda ng mga pagpupulong at asembliya para sa pagdiriwang ng ika-56 na anibersaryo ng rebolusyonaryong partido sa susunod na linggo.

“Sa kanilang walang patid na diwa ng paglaban at determinasyon na lumaban, ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ay hindi magagapi at hindi matatalo, ngayong taon o kailanman,” sabi ni Valbuena. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *