Wed. Dec 18th, 2024

NANINIWALA ang militanteng organisasyong mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na kasabwat ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagsira sa kalikasa, taliwas sa pahayag ng kagawaran na may dedikasyon ito sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Sinabi ito ng Pamalakaya asunod ng tugon ng DENR sa mga petisyon na isinumite ng grupo at ng Kalikasan People’s Network for the Environment sa Korte Suprema, na humingi ng writ of kalikasan at patuloy na mandamus para ihinto ang reclamation at dredging activities sa Manila Bay.

“Kung ginagampanan ng DENR ang mandato nitong pangalagaan ang Manila Bay laban sa anumang mapanirang proyekto tulad ng reklamasyon, hindi na dapat kami aabot pa sa Korte Suprema para humiling ng karampatang proteksyon,” ayon kay Ronnel Arambulo,  vice chairperson ng Pamalakaya, sa isang kalatas.

“Pero saksi ang mga mangingisda at makakalikasan sa pagiging instrumento ng DENR sa mga mapanirang proyekto sa pamamagitan ng paglalabas ng environmental compliance certificates (ECC) sa mga ito, kahit na napatunayang magdudulot ng malubhang pinsala ang reklamasyon sa kapaligiran at kabuhayan,” dagdag niya.

Iginiit ng mga petitioner na nag-isyu ang DENR ng environmental compliance certificates (ECCs) at area clearances (ACs) para sa hindi bababa sa 13 reclamation projects at nagbigay ng mahigit sampung seabed quarry permit nang hindi natutupad ang mga kinakailangang legal na obligasyon, kabilang ang masusing pagtatasa ng kanilang mga epekto sa kapaligiran.

Binanggit pa ng Pamalakaya na ang mga proyektong ito, na gumagamit ng marine sediment mula sa Manila Bay para sa layunin ng konstruksyon, ay nakakasira sa marine ecosystem at nalalagay sa alanganin ang kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda.

Umaasa ang grupo ng mangingisda para sa isang positibong desisyon mula sa Korte Suprema, na nagpapakita na ang kanilang petisyon ay naaayon sa nagpapatuloy na mandamus ng korte noong 2008, na nag-utos sa mga ahensya ng gobyerno na i-rehabilitate at ibalik ang look.

“Umaasa kami na papaburan ng Korte Suprema ang petisyon ng mga mangingisda at makakalikasan dahil sa aming konkretong batayan na nagmula sa buhay na karanasan ng mga mangingisda sa Manila Bay,” wika ni Arambulo. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *