📷P/Col. Hector Grijaldo
KINOMPIRMA ni House Quad Committee overall chairperson at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na nasa kustodiya ng Kamara si dating Mandaluyong police chief Colonel Hector Grijaldo matapos arestohin noong Sabado, Disyembre 14, dahil sa hindi pagdalo ng apat na beses sa pagdinig ng komite.
Isinilbi aniya ang arrest order habang sumasailalim sa medical evaluation si Grijaldo na inoperahan ang balikat noong nakaraang buwan.
Sinabi ni Barbers na hiniling ni Grijaldo ang hospital arrest ngunit tinanggihan ito ng komite dahil nasa maayos na kondisyon ang police colonel, base sa mga pahayag ng mga doktor, kaya isinilbi ang arrest order sa kanya.
“Sabi ng mga doctors niya, ambulatory siya, pwede na siya lumabas, pwede siya maglakad. There’s no reason for him to stay in the hospital,” ani Barbers sa media.
Sa House Detention Center magpa-Pasko at Bagong Taon si Grijaldo at mananatili siyang nakapiit hanggang matapos ang imbestigasyon ng QuadComm.
Binigyan diin ni Barbers na sa pagharap ni Grijaldo sa Senado ay inakusahan niya ang mga miyembro ng QuadComm na pinilit siyang ayudahan ang rebelasyon ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma hinggil sa reward system na ipinatupad sa madugong drug war ng administrasyong Duterte.
Ngunit nang imbitahan aniya ng QuadComm para ipaliwanag niya ang kanyang basehan sa bintang sa mga kongresista, apat na beses siyang hindi sinipot ang pagdinig.
Matatandaan na ikinanta ng anti-narcotics officer na si Lt. Col. Santie Mendoza na sina Garma at National Police Commissioner Edilberto Leonardo ang umano’y nagpakana ng pagpatay kay dating PCSO Board Secretary Wesley Barayuga sa Mandaluyong City noong 30 Hulyo 2020, sa panahong si Grijaldo ang chief of police ng siyudad at hindi inimbestigahan ang krimen. (ZIA LUNA)