KINOMPIRMA ng rekomendasyon ng House Quad committee na may batayan para litisin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa kasong crimes against humanity.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang rekomendasyon ng Quad comm na sampahan ng mga kasong kriminal si Duterte at kanyang mga kasapakat ay dapat na kagyat na ipursige sa ngalan ng hustisya.
Binigyan diin ng Bayan na ang progress report ng Quad ay dapat na isa pang dahilan para makipagtulungan ang gobyernong Marcos Jr sa ICC at tiyakin na makukuha ang mga matibay na ebidensya at matutulungan ang mga testigo para mapabilis ang pag-uusig at paglabas ng warrant of arrest laban kay Duterte at sa iba pang miyembro ng kanyang criminal gang.
Anang Bayan, kabilang ang mga kaanak ng mga biktima ng Oplan Tokhang sa tumestigo sa Quad at nagbigay ng mukha sa brutal na implementasyon ng pekeng gera kontra droga.
Kasama anila ang mga pamilya ng mga aktibistang pinaslang ng mga ahente ng estado sa pinatay rin sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Hirit ng Bayan, dapat ay makasama sa final report ng komite ang mga pusakal na mga opisyal na responsable sa Bloody Sunday masaker at ibang kaso ng extrajudicial killings.
Kailangan anilang palawakin ng Mababang Kapulungan ang pagsisiyasat at tingnan kung paano nagpatuloy sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ang mga malagim na kaso ng pagpatay at ang paggamit na armas ng burukrasya na palabasin masama at dapat paslangin ang mga suspek na binansagang mga kaaway ng estado.
“The House of Representatives should expand its probe and look into how the gruesome cases of killings and the weaponization of the bureaucracy to demonize and kill suspects and so-called enemies of the state have continued under the current administration,” ayon sa Bayan.
Giit ng Bayan, ang pagkakasangkot nina Sens. Christopher “Bong” Go at Ronald “Bato” dela Rosa sa “criminal enterprise” ni Duterte ay nagsisilbing paalaala na ang dalawang apologist at Tokhang enforcers ay hindi karapat-dapat na manatili sa Senado at ang kanilang kandidatura sa 2025 midterm elections ay dapat na ibasura.
“The involvement of Bato dela Rosa and Bong Go in the Duterte “criminal enterprise” is a reminder that the two apologists and Tokhang enforcers do not deserve to remain in the Senate and their candidacy for reelection should be strongly rejected,” anila.
“The Quad’s job is not finished, and the people will continue to fight for justice and hold all officials accountable for the extrajudicial killings under the Duterte and Marcos Jr administrations,” pagtatapos ng Bayan. (ROSE NOVENARIO)