Wed. Dec 18th, 2024

UMALMA ang grupo ng mga manggagawang pangkalusugan sa pagpasa sa mga mamamayan ng pamahalaan sa responsibilidad nito sa pangangalaga sa kalusugan.

“Buong P74B proposed budget sa 2025 para sa PhilHealth ang tinanggal ng Bicameral Committee ng Senado at Kamara de Representante. Bukod dito, kinaltasan din ng P30B ang badyet na inaprubahan ng Kamara de Representante para sa Department of Health,” ayon sa Health Workers Partylist (HWP) sa isang kalatas.

“May dinagdag man na P113M sa subsidy sa mga GOCC hospitals na Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center at Philippine Heart Center, suma total bawas pa ang subsidyo para sa mga ito ng P861.7M kumpara sa inilaan ngayong 2024,” dagdag ng grupo.

Saksi at kabilang anila ang health workers sa mga ordinaryong mamamayan na nagdurusa sa kulang, mahal at di-maabot na serbisyong pangkalusugan.

“ Ipinapasa ng pamahalaan sa atin ang responsibilidad nito sa kalusugan. Nagbabayad na nga tayo ng buwis, nagbabayad pa ng tumataas na premium sa PhilHealth. At kung magkasakit, nagbabayad pa ng gamot at laboratory/procedures na hindi covered ng PhilHealth benefit,” giit ng HWP.

Panawagan ng HWP, direktang pondohan ng pamahalaan ang pampublikong serbisyong pangkalusugan at maglaan ng sapat na pondo sa mga pampublikong ospital at pasilidad pangkalusugan sa buong bansa.

Dapat din anilang tiyakin ang 5% ng GDP para sa kalusugan batay sa rekomendasyon ng World Health Organization.

“Kasabay nito, balikatin ng pamahalaan at wag ipasa sa pribado ang pagtatayo ng kinakailangang pampublikong pagamutan at health centers hanggang sa baryo at mag-hire ng sapat na bilang ng health workers sa mga ospital at komunidad.”

Upang mahikayat na manatili sa bansa at maglingkod sa bayan, dapat bigyan ng nakabubuhay na suweldo, sapat na benepisyo, regular na trabaho ang mga health workers.

“Bilang boses ng health workers, patuloy na itutulak ng Health Workers PartyList kasama ng taumbayan ang libre, kumpleto, de-kalidad at pambansang pampublikong serbisyong pangkalusugan,” giit ng grupo.

“Layon natin ang mahusay, may-pananagutan at nakabatay-sa-pangangailangang paggastos ng pondo publiko para sa kalusugan. Isusulong natin ang pagpapanagot sa lahat ng mga sangkot sa mga katiwalian at iregularidad sa PhilHealth at DOH at pangungurakot sa kaban ng bayan,” dagdag ng HWP.

Tiniyak ng HWP na patuloy na maglilingkod, sama-samang maninindigan at kikilos para sa kalusugan ng taumbayan. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *