Mon. Jan 6th, 2025

NANAWAGAN  si Senador Loren Legarda sa mga awtoridad na higpitan ang implementasyon ng Clean Air Act matapos mabalot ng polusyon ang Metro Manila sa pagsalubong ng Bagong Taon.

“Ang labis na pagpapaputok sa Metro Manila ay naghahatid ng panganib sa ating mga katawan, lalo na sa ating mga baga dahil ang usok mula sa nasunog na pulbura ay mapanganib rin,” pahayag ng senadora.

“Tinitiyak dapat ng Clean Air Act na maging malinis ang hangin na ating hinihingahan, kabilang rito ang maaaring epekto ng polusyon,” dagdag niya.

Ayon sa mga ulat, ilan sa mga siyudad ng Metro Manila ang nagtala ng mataas na antas ng polusyon sa umaga ng Enero 1.

Nabalot ng makapal na usok ang National Capital Region (NCR) ilang oras matapos ang putukan.

Ang Maynila, ang kabisera ng bansa, ay nakapagtala ng pinakamasamang Air Quality Index (AQI) sa iskor na 218, na “lubhang masama sa kalusugan,” ayon sa datos ng IQAir.

Kasunod ang Makati (166), Taguig (159), at Parañaque (153), na nalalagay sa “masama sa kalusugan.”

Ang Pasig (134), at Marikina (118), ay nakapagtala ng mga lebel na mapanganib sa mga mahina ang resistensya o immunocompromised, kaya naman pinapayuhan ang lahat na huwag munang umalis o magsuot ng face masks.

“Hindi pa rin nasasawata ang mga carbon emission, kahit na 25 taon nang naipatutupad ang batas,” sabi ni Legarda na may-akda at co-sponsor ng batas.

“Dapat mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa ilegal na paputok, at limitahan ang pagpapaputok sa iilang lugar lamang, upang maiwasan ang sakuna,” dagdag niya.

Nanawagan rin si Legarda na buksan ang mga air quality monitoring station, na makapagbibigay ng real-time update sa mga residenteng ibig pagbasehan ang impormasyon.

”Dahil sa teknolohiya, madali na nating makikita online ang impormasyong ito, kaya naman dapat magbukas ng data centers ang DENR, lalo na sa Metro Manila, dahil mahalaga rin ang lagay ng hangin, kasinghalaga ng mga balita sa bagyo,” paliwanag ng mambabatas.

Isa ito sa mga naging unang batas para sa kalikasan — dahil sa tumitinding polusyon sa Metro Manila. (NINO ACLAN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *